Sa part 2 ng interbyu, ibinahagi ni Nanoy Rafael ang malikhaing proseso ng pagsasalin ng orihinal na materyal ni Augie Rivera. Nakakatuwa ring malaman na kasama ni Nanoy ang kanyang mga co-teachers at kanilang mga mag-aaral sa Raya School sa paglikha ng musical na ito.
3. May mga piling mag-aaral ng Raya ang nakasama ninyo sa paglikha. Kumusta naman sila katrabaho?
May isang pangyayari na hindi ko makakalimutan kasama ang mga estudyante. Mga ilang araw pagkatapos ng eleksiyon, nagkita-kita kami para tapusin ang first draft ng script. Naaalala siguro ninyo na noong mga unang araw ng bilangan, lamang si Bongbong Marcos sa pagka-bise. Kabado kaming nag-uuusap, natatawa na sa kaba. Alam ng mga batang ito na noong panahon ng rehimeng Marcos, nakulong ang mga sumulat laban sa gobyerno. Natortyur ang iba . Nawala ang iba . Pinaslang ang iba . Kaya binibiro nila ako na “Hala, teacher, baka makulong ka!” Gumaganti naman ako ng “Bakit ako lang? Kasama kaya kayo.” Araw iyon na puno ng masasamang biro, at ang bilang sa eleksiyon ang pinakamasamang biro sa lahat.
Pero nagseryoso ako at tinanong sila kung gusto pa ba nilang ituloy ang pagsusulat kung sakaling manalo nga si Marcos bilang bise. Sinabi ko na maiintindihan ko kung hindi, at walang problema kung ganoon. Pero sumagot silang “Sige lang, tuloy lang!” nang walang pag-aatubili. Kaya saludo ako kina Cacy Abadeza, Sofia Baybay, Izzi dela Cruz, at Ella Francia—mga katuwang sa pagsulat at mga nagbigay rin ng tapang sa akin na ituloy ang dula.
4. Ano ang nauna, musika o libretto?
May magandang dynamic kami ni Teacher Thea Tolentino (ang composer) sa paggawa ng mga kanta. Nauuna parati ang lyrics (at ang sitwasyon na kasama nito ). Tapos mag-uusap kami ni Thea kung ano ba ang kuwento, ano ang bagay na lapat dito.
Pero hindi pa buo ang libretto/script kapag ibinibigay ko kay Thea ang natatapos naming mga lyrics. May mga eksena na wala pang kanta, pero tapos na ni Thea na lapatan ng musika ang iba. Kaya rin marami-rami sa mga naisulat naming kanta ang naimpluwensiyahan rin ng nauna nang treatment sa musika.
Halimbawa, ang pinakanauna kong naisulat ay ang dalawang Oyayi. Kanta ito ni nanay habang pinapatulog si Jenny, at kanta ni Jenny habang pinapatulog ang sarili niya. Naisulat ko ito bandang Nobyembre. Bandang Disyembre noong narinig ko ang lapat dito ni Thea. Pagkatapos noon, saka ko naisulat ang titular song na Isang Harding Papel, kasi nagkaroon na ako ng idea kung paano ang “feel” dapat nito.
5. Ano ang paborito mong eksena sa Hardin? Bakit ito ang paborito mo?
Ang hirap! Sige, lilimitahan ko sa dalawa.
Ang una ay ang Bagong Lipunan spoof. Paborito ko ito kasi ito yata ang pinakamasaya naming naisulat, at siguro pinaka-subversive rin. Paulit-ulit naming pinakikinggan ng writing team ang Bagong Lipunan, tapos nag-iisip lang kami kung paano bababuyin ng mga bata ang lyrics nito, sa paraang parang bata talaga. Ang dami naming ibinato sa isa’t isa na nakakatawa, kaya ang hirap ring tapusin. Pero ang pinakadumikit ay noong may kumanta ng “Mabahong ulam” kapalit ng “May bagong silang.” Tapos dere-deretso na naming naisulat. Kaya halimbawa, ‘yung “May bagong silang / May bago nang buhay / Bagong bansa...” naging “Mabahong ulam / Mabaho ang laman / Amoy paa...” Ang immature lang, di ba! Pero ganoon naman talaga noong bata tayo, kung ano-anong pambababoy ang ginagawa natin sa mga kanta. Tapos kapag napanood rin ninyo ito sa stage, dahil mga Grade 1 ang nasa eksena, bagay na bagay. Awtentikong awtentiko .
‘Yung ikalawang eksena na paborito ko ay ang torture scene . Wala ito sa script, at nagugulat pa rin ako na kayang ilagay ang ganitong sitwasyon at panatiliing pambata pa rin ang dula. Pero nagawa ni Direk Nor! Gustong-gusto ko ito kasi hindi ito metaporiko, na siyang madalas nating takbuhan kapag may gusto tayong ipaliwanag sa bata na sa tingin natin ay masyadong mabigat para sa kanila. Tahas ito, at mabigat pa rin (dahil mabigat naman talaga ang realidad na ito), pero mauunawaan ng bata. Nirerespeto ng eksenang ito ang kakayahan ng batang umunawa at magproseso, na magkaroon ng komplikadong mga damdamin at naiisip.
Si Nanoy Rafael ay isang manunulat, tagasalin, at guro. Nagwagi ang libro nila ni Serj Bumatay na "Naku, Nakuu, Nakuuu!" ng Peter Pan Prize mula sa IBBY-Sweden. Ilansa mga isinalin niya patungong Filipino ay ang "Book Uncle and Me" ni Uma Krishnaswami, at ang "A Christmas Carol" ni Charles Dickens. Kasalukuyan siyang nagtuturo sa Raya School ng Filipino at Araling Panlipunan.
Si Nanoy Rafael ay isang manunulat, tagasalin, at guro. Nagwagi ang libro nila ni Serj Bumatay na "Naku, Nakuu, Nakuuu!" ng Peter Pan Prize mula sa IBBY-Sweden. Ilan
No comments:
Post a Comment