·
Nabuo ang
kuwento nina Tala at ng tropang Abangers dahil sa alaala ng pagbisita ko sa
isang bahay ampunan sa QC. Sinamahan ko kasi ang girlfriend ko pati na ang pamilya niya sa paghatid
ng foster child na nanirahan sa kanila pansamantala papunta sa forever family
niya.
·
Habang
naghihintay na matapos ang sangkatutak na mga proseso at papeles, tumambay muna
kaming tatlo sa loob ng compound kung saan ay mayroong malaking playground sa
gitna.
·
Naglaro
kami at nagpalipas ng oras. Hanggang sa ilang minuto pa, may dumating na isang
batang lalaki. Nakauniporme siya at mukhang kagagaling lang sa school. Napansin
kong nagmadali siyang iwan ang mga gamit niya sa parang dormitoryo nila saka
lumabas ulit para pumunta sa playground.
·
Noong una,
nginitian lang namin siya. Hindi naman siya nakipag-usap sa amin.
Sinundan-sundan lang niya kami saka sinubukan ang lahat ng palaruan sa paligid
namin. Sa tuwing matatapos kaming gamitin kunwari ang slide, siya agad ang
papalit at ipapakita sa amin ang mga talento niya. Saka lang namin napagtanto
na nagpapakitang-gilas pala siya.
·
Kaya
kinausap siya ng girlfriend ko at tinanong-tanong. Nalaman tuloy naming Grade 6
na siya at matagal nang naninirahan sa bahay-ampunan.
·
Noong
paalis na kami at nagpaalam na sa kanya, napansin ko ang bahid ng pagkadismaya
sa itsura niya. Tumigil na rin siya kaagad sa paggamit ng mga laruan saka
bumalik sa dorm. Hindi ko malilimutan ‘yon. Hindi ko rin malilimutan ‘yong
paninikip sa dibdib ko na gusto ko sanang matulungan siya.
·
Kaya noong
napagtripan kong magsulat ng middle grade na libro dahil gusto kong magpaturo
sa mentor kong si Xi Zuq kung paano magsulat ng boses ng bata, ang alaala niya
kaagad ang pumasok sa isip ko.
·
‘Yong tema
naman ng mga Larong Pinoy ay nagmula sa mga masasaya at di malilimutan kong
alaala sa klase ni Titser Jo-ann Grecia noong college (PE2-Philippine Games).
Hanep kasi ‘yong energy at enthusiasm ni Ma’am, nakaka-infect. E lumaki rin ako
sa mga larong pinoy. Kaya ayon, medyo naging automatic ang pag-click ng tema sa
naisip kong mga karakter.
·
Naalala ko
noong gabing nagbi-brainstorm kami ni Xi Zuq, isang upuan lang naisip ang buong
libro—saka naisulat ko kaagad ang unang kabanata. Mas tumagal pa ata kami sa
pag-iisip ng akma na pamagat. Gano’n kabigat ang epekto ng mga alaalang
pinanghugutan ko ng kuwento para sa Team Abangers at Estilong Trumpo.
·
Una, ‘yong
seryeng The Hardy Boys. Maalala
ko dati ang bonding namin ng nanay ko sa tuwing mapapadaan sa mall ay ang
bumisita sa mga booksale. Siya, maghahanap ng pocket book. Habang ako naman,
maghahalungkat para mahanap ang mga kulang kong numero sa serye na The Hardy
Boys. Dahil sa seryeng ‘yon ko unang
nakahiligan ang pagbabasa.
·
Pagdating
ng highschool, nabinyagan naman ako sa Harry Potter series at napabilang sa mga
nag-aabang taon-taon para sa updates ng libro. Nanghihiram lang ako no’n. Hindi
pa kasi namin kayang bilhin ang mga libro.
·
Noong
magkolehiyo naman ako saka medyo nakagaan na kami kaunti sa buhay (kaya nang
bumili ng libro), kabilang sa mga humulma ng panlasa ko sa mga kuwento ang mga
seryeng The Secrets of the Immortal Nicholas Flammel ni Michael Scott at Ranger’s
Apprentice ni John Flanagan.
·
Noong
maka-graduate naman, nakahiligan ko ang mga akda ni Brandon Sanderson—lalo na
ang The
Reckoners series niya at Mistborn series. Dahil sa mga libro niya,
naisipan kong pangarapin ang pagiging manunulat. Para sa akin, siya at ang
antas niya ang goal ko.
·
Napakalaki
rin ng impact sa akin ng mga akda ng mentor kong si Xi Zuq, lalo na ang serye
niyang Supremo. Dahil sa
mga libro niya, napamahal ako sa wikang Filipino. Dati kasi, naiintimidate ako
sa mga Filipino books dahil sa lalim ng mga salitang ginagamit (hindi ko first
language ang Filipino). Pero nang sinubukan kong basahin ang libro niya, hindi
ako nahirapan. May iilan pa ring malalim na mga salitang hindi ko alam, pero
madali ko itong naiintindihan dahil sa konteksto. Pakiramdam ko habang
nagbabasa ay approachable o welcoming ang libro. Kaya target ko namang maabot
ang tatas niya sa pagsusulat sa Filipino.
·
Ayon, kung
mapapansin ninyo, puro serye ang mga binabasa ko. Kaya ‘wag na kayong magtataka
kung puro serye rin ang mga isinusulat kong nobela (kung sakaling mailathala).
No comments:
Post a Comment