Sunday, July 26, 2020

Author Interview: Boon Lauw, Salanga Prize Winner 2020 (2 of 2)


Narito ang part 2 ng panayam kay Boon Lauw. Si Boon ay ginawaran ng 2020 Salanga Prize para sa kanyang kuwento, Team Abangers at Ang Estilong Turumpo. Basahin ang part 1 ng kanyang interview sa link na ito. Panoorin ang kanyang panayam sa Lock N Roll: PBBY Edition kasama si Jun Matias at si Tori Tadiar, ang nagwagi ng 2020 Alcala Prize. 
3)    Ano ang aklat pambata na sana ay ikaw ang nakapagsulat?
·      Sa totoo lang, hindi ko sigurado ang isasagot dito. Kasi, ewan, wala akong pinanghihinayangang kuwento na nagustuhan ko. May kani-kaniyang boses at pamamaraan ang mga manunulat—‘yon ang maganda sa mundo ng pagbabasa. Kaya hindi ko maisip na sana ako ang nakapagsulat
·      Kung kailangan talaga ng sagot (haha), siguro ‘yong sistema na lang ng mahika na gamit sa libro ni Brandon Sanderson na Mistborn. Sa kuwento kasi na ‘yon, ‘yong mga Allomancer (may kapangyarihan) ay umiinom ng maliliit na piraso ng bakal. Pagkatapos, sa tuwing gagamit sila ng kapangyarihan, iko-consume nila ‘yong mga bakal na nakaimbak sa tiyan nila. Siyempre, iba’t ibang uri ng bakal ay may iba’t ibang uri rin ng binibigay na kapangyarihan. Napakasimple lang kung iisipin saka napaka-cool ng tema (metals). Pero, ayon nga, tama lang na siya ang nagsulat dahil na-enjoy ko nang husto ang pagbabasa nito.

4)    Payo o tips para sa mga gustong magsulat ng kuwentong pambata.
·      Una, sa pagsusulat muna. Kapag nagsisimula ka pa lang, gaya ko, magsulat ka muna para sa sarili mo. Bahala silang lahat—anong pake nila sa trip mo. Ikaw ang una mong mambabasa. Dapat gandang-ganda ka sa isinulat mo. Kung hindi pa, e di, ayusin mo pa. Pramis, hindi malilimutan ang karanasan sa pagsisimula ng pagsusulat. Walang kapantay ang saya na makatapos ka ng isang kabanata, talata, o maikling kuwento. Huwag mo munang ibatay ang self-worth mo sa komento ng iba. I-enjoy mo muna. Kapag naabot mo na ang ceiling mo, ibig sabihin hindi mo na kayang mag-improve mag-isa, saka ka humingi ng opinyon ng iba.
·      Sa pagsusulat naman ng kuwentong pambata, lalo na sa children’s at middle grade, mas maganda kung may nakakasalamuha ka o may mga alaala ka ng paraan ng pananalita at pagkilos ng mga batang isusulat mo. Napakahirap isulat ng librong pambata—kasi di na tayo bata. Kaya saludo talaga ako sa mga nakakakuha ng boses ng bata.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...