Noong Nobyembre 27, 2014 ay nag launch ang Adarna House at ang Edsa People Power Commission ng aklat pambata tungkol sa Martial Law, ang Isang Harding Papel. Ang aklat ay sinulat ni Augie Rivera at ginuhit ni Rommel Joson. Ito ay inilimbag ng Adarna House.
Narito ang aking interview kay Augie Rivera tungkol sa aklat. Sinagot rin niya ang mga tanong tungkol sa kanyang paglikha ng kwento at sa inspirasyon niya sa kwento ni Jenny.
Pangalawa mo ng Martial Law book ito. Bakit ka muling nagsulat ng aklat tungkol sa Martial Law para sa mga bata?
Ang kuwentong ‘Isang Harding Papel’ ay base sa ilang mga tunay na pangyayari at karanasan. Matagal ko na itong naisulat at bahagi sana ng limang libro sa seryeng ‘Batang Historyador’ ngunit minabuti kong unahing ilabas ang kuwentong ‘FQS’ na ‘Si Jhun-jhun, Noong Bago Ideklara ang Batas Mililtar.’ Kaya naitago muna sa ‘baul’ ang kuwento.
Sa dami ng revisionist takes sa Martial Law at sa ating kasaysayan na naglipana ngayon sa social media, naisipan kong balikan ang kuwento. Nag-revise ako ng konti, at saka ko ito ipinasa sa Adarna House. Sila ang nakaisip na i-tie up ito sa EDSA People Power Commission dahil naghahanap daw sila ng ganoong tipo ng kuwento.
Ayun. Makalipas ang labing-apat na taon, sa wakas ay dumating din ang tamang panahon para mailathala ito bilang isang libro.
Sa pamamagitan ng kuwento, umaasa akong mapupukaw ang interes ng batang mambabasa, mag-uusisa, at gugustuhing malaman ang iba pang mga kuwento ng pakikipagsapalaran, pangarap at pagkamulat ng mga batang gaya ni Jenny sa madilim na kabanatang ito ng ating kasaysayan. Malimit nating sabihin: ‘Ang mga kabataan ngayon, walang alam sa kasaysayan. Walang sense of history.’ Madalas din natin silang sabihan: ‘never forget.’ Pero, paano nila malilimutan ang isang bagay na hindi naman nila naranasan? Ang kasaysayan ay hindi lang pagmememorya ng mahahalagang petsa, pangyayari, at buhay ng mga bayani. Bilang mga ‘Martial Law babies’ na tumanda na, at karamiha’y mga magulang na rin, tungkulin natin na ipaalam sa mga bata ang kasaysayan. Ikuwento natin sa kanila ang kasaysayan. Ipakita. Iparamdam. Sana, ang mga aral ng nagdaan ay makatulong upang mabuo ang mas maalab nilang pagmamahal sa bayan at pagmamahal sa kasaysayan.
Rommel Joson and Augie Rivera at the book launch |
Lumaki ako noong panahon ng Martial Law. Kaya’t na-excite akong isulat ang kuwento. Isa siyang magandang pagkakataon para magbalik-tanaw sa aking kabataan, at gamitin ang ilang mga detalye at karanasan para pandagdag sa texture at nuances ng kuwento. Noong panahong iyon, masugid kong sinubaybayan ang iba’t ibang mecha o robot anime sa telebisyon. Mekanda tuwing Lunes. Daimos tuwing Martes. Mazinger Z tuwing Miyerkules. Grendaizer tuwing Huwebes. At Voltes V tuwing Biyernes. Pagkagaling sa eskuwela, nakatutok na ako sa telebisyon. Lilipad ako kasama ang mga robot, kakalabanin namin ang mga Boazanian beast fighters, at ipagtatanggol ang buong bayan… bago mag-curfew o maghapunan!
Nang biglang i-ban ni Marcos ang Voltes V sa telebisyon dahil sobrang bayolente raw at naglalaman diumano ng mga subersibong mensahe, kabilang ako sa mga batang nagalit at naghimagsik ang damdamin. May dineprive sa ‘yo eh. May biglang inalis. May biglang inagaw. At hindi mo naiintindihan kung bakit. In a way, kahit bata ka, naramdaman mo na may nangyaring repression.
Marahil, collective angst din ‘yon ng isang henerasyon. Pero kung may mga batang nagluksa sa biglaang pagkawala ni Voltes V na itinuring nilang bayani at kaibigan, may mga batang iba naman ang biglang nawala sa buhay nila. Iba naman ang kanilang pinagdaanan— namuhay at lumaki sila nang malayo sa piling ng kanilang tatay, nanay, ate o kuya, na ipinakulong dahil sumalungat sa mga isinusulong ng Bagong Lipunan.
Mas sentimental ang treatment mo ng Martial Law experiences ng bidang bata sa Hardin kumpara ng Kay Junjun. May kinalaman ba ang gender dahil babae ang bida?
Sa palagay ko, pareho lang na malungkot o sentimental ang ‘Jhun-jhun’ at ‘Hardin’ dahil hindi talaga maiiwasan. Parehong naganap ang kuwento sa maligalig, malungkot at madilim na kabanata ng ating kasaysayan. Pero ilan lamang ito sa mas marami pang kuwento ng mga batang nagkamulat at dumanas din ng parehong hirap at pasakit na pinagdaanan ng matatanda noong panahong ‘yon.
Babae ang bida dahil may pinagbasehan ako sa kuwento— ang mga tunay na karanasan ni Jenny Cortes (na pinsan-in-law ko; pinsan ni Mike) noong bata pa siya at dumadalaw sa kaniyang nanay na isang political detainee.
Pinili ko ang imahe/metaphor ng bulaklak para sa kuwento dahil nainspire ako sa mga wooden sculptures ni Jenny sa kaniyang unang exhibit na ‘Wall Flowers’. At dahil ang bulaklak din ay simbolo ng pag-usbong ng buhay at pag-asa.
Ano ang hindi pa naisusulat ni Augie Rivera?
Marami pa. Mas marami pang kuwento. Mas marami pa sanang programang pambata sa telebisyon. Isang musical. Isang coming of age na pelikula. Marami pa.
The book launch was held in Museo Pambata. Kuya Bodjie read aloud the story, Isang Harding Papel |
No comments:
Post a Comment