SI JANUS SILANG AT ANG TIYANAK NG TÁBON
Kuwento ni Edgar Calabia Samar
Inilimbag ng Adarna House, Inc. (2014)
Tungkol sa Aklat/Blurb
Sa tournament ng TALA Online sa bayan ng Balanga, namatay ang lahat ng manlalaro maliban kay Janus. Sunod-sunod pa ang naging kaso ng pagkamatay ng mga kabataan sa computer shops sai ba’t ibang panig ng bansa. Kinontak si Janus ng nagpakilalang Joey, isa rin umano sa mga nakaligtas sa paglalaro ng TALA na gaya niya. Hindi inasahan ni Janus ang mga matutuklasan niya mula rito na mag-uugnay sa kanya sa misteryo ng kinahuhumalingan niyang RPG—at sa alamat ng Tiyanak mula sa Tábon!
Tungkol sa Manunulat
Si Edgar Calabia Samar ay ipinanganak sa Lungsod San Pablo at nakapagsulat na ng dalawang nobela, ang Walong Diwata ng Pagkahulog (2009) at Sa Kasunod ng 909 (2012). Itong Janus Sílang series ang una niyang kathang YA. Nagtuturo siya ngayon ng Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Ateneo de Manila University. Mahigit sampung taon na ang nakararaan nang una siyang makakilala ng isang Púsong.
Aklat-pambata po ang kauna-unahan kong aklat, ang Uuwi na ang Nanay Kong si Darna! (Adarna House, 2002) na may mga guhit n Russell Molina. Sa isang banda, isang pagbabalik sa akin sa mga mas nakababatang mambabasa ang pagsusulat ko ng Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon. Pagkatapos kasi ng Darna, mga nobela’t aklat ng tula ang inilathala ko na mas pang-mature na mambabasa. Matagal nang nililimliman sa isip ko ang idea para sa Janus Sílang pero hindi nagkaroon ng pagkakataong upuan hanggang sa magkaroon nga ako ng RCW (Research & Creative Work) Faculty status sa Ateneo, na nakasabay pa ng paanyaya ng Adarna House na magsulat ng isang YA novel noong isang taon.
b. Ano ang pinakamalaking pagsubok na hinarap mo bilang manununlat ng mga bagets?
Marami akong kinailangang isaalang-alang dito, mula sa rehistro ng wika hanggang sa nilalaman. Sa maraming pagkakataon, kailangan kong manimbang sa pagitan ng pagiging makatotohanan sa tinig ng mga tauhan at daloy ng kuwento sa isang banda, at sa maaaring maging datíng nito sa mga kabataang mambabasa. Nagmumura ba si Janus o hindi? Makatotohanan ba iyon sa karakter niya? Paano iyon tatanggapin ng mga mambabasa? Alam ninyo, sa loob ko, sa tingin ko’y mas masasakyan ang karakter ni Janus ng mga kabataang magbabasa sa nobela. Mas magkakaproblema siguro sa ilang magulang at guro na ang tingin sa relasyon ng panitikan at batang mambabasa ay basta gagayahin ng bata o makaiimpluwensiya sa bata ang anumang babasahin nito. Humahanga ako sa mga guro at magulang na tinitingnan ang babasahin ng kanilang estudyante o mga anak bilang pagkakataon upang mapag-usapan sa paaralan o sa bahay ang ilang usapin na sa palagay ko’y totoong pinagdadaanan ng mga bata. Sa harap ng mga pagsubok na hinarap ko rito, sana’y makita rin ng mga magulang at guro ang mapahahalagahan ng mga kabataan sa Janus Sílang.
c. Sino at ano ang inspirasyon mo para mabuo si Janus Silang?
Naitanong din ito sa akin sa mga naunang panayam. Ang totoo, matagal ko nang gustong makapagsulat ng nobelang sa palagay ko’y mababasa’t magugustuhan ng mga taong mahalaga sa akin, lalo pa ang mga kababata’t kaibigan sa paglaki ko sa San Pablo. Hamon sa akin dito ang pagpapahalaga sa simpleng pagkukuwento. Sa mga una kong nobela, tulad ng Walong Diwata ng Pagkahulog, higit na nangingibabaw ang proyekto ng pagsasanaysay kaysa pagsasalaysay. Ngayon, gusto ko lang lumikha ng nobelang pananabikan ng mambabasa. Ngayon, gusto kong maunawaan kahit ng isang karaniwang teenager. Kapag binasa niya ang nobela ko sa halip na mag-DOTA sa loob ng kung ilang oras, alam kong hindi nasayang ang panahon ko sa pagsusulat nito. Pagkatapos niyang magbasa at habang hinihintay ang Book 2, puwede na ulit siyang mag-DOTA muna.
d. Ano ang nobela o tula na sana ay ikaw ang nakapagsulat at hindi ang manunulat o makata ng tula o nobelang iyon?
Napakarami! Kinaiinggitan ko ang Ghostwritten ni David Mitchell; isa sa pinakamahusay na unang nobela ng isang manunulat na nabasa ko. Kay Kundera ko naman minana ang pagkahumaling sa pagsasanaysay sa nobela, at ang kaniyang The Unbearable Lightness of Being siguro ang nobelang nabasa ko nang pinakamaraming beses. Sa mga Filipino, nanghihina pa rin ako sa harap ng Cubao Pagkagat ng Dilim ni Tony Perez. Pero alam ko rin na bawat manunulat ay may daigdig na kaniya lang, na halos imposibleng mapasok ng iba maliban sa pagbabasa. Hindi ako makapagsusulat na tulad ng sino man sa kanila. Ang mismong pagsusulat ko’y pagkilala’t paggalugad sa mundong umaasa akong hindi basta-basta kamukha ng sa ibang manunulat.
e. Ano na ang susunod pagtapos ang Janus Silang?
Abangan ninyo ang mga kasunod na libro sa serye ng Janus Sílang. Sa Nobyembre ngayong taon umano lalabas ang ikalawang aklat ng serye, na may pamagat na Si Janus Sílang at ang Digmaang Manananggal-Mambabarang.Tinatapos ko rin para sa Adarna ang isang encyclopedia ng mga nilalang at tauhan ng ating panitikang-bayan, ang101 Nilalang na Kagila-gilalas. Maaaring lumabas din ito ngayong taon. Abangan ninyo! Sa ngayon, sana’y maraming kabataan ang makapagbasa ng unang aklat ng Janus Sílang. Lalabas na ito sa book stores ngayong Mayo, at magkakaroon ng serye ng book launches ngayon ding buwan na ito. Maraming salamat!
Bookstore Tour Dates
- May 10 - Powerbooks (Greenbelt or Trinoma)
- May 17 - Powerbooks (Greenbelt or Trinoma)
- May 24 - Fully Booked SM North EDSA
Links
Blog Tour Schedule: www.xizuqsnook.com; www.adarnahouse.wordpress.com
Facebook: https://www.facebook.com/janus.silang
Wattpad: http://www.wattpad.com/story/13119778-janus-silang-at-ang-tiyanak-ng-t%C3%A1bon
Rafflecopter Giveaway
Link: http://www.rafflecopter.com/rafl/share-code/OWQ0NTM2YWM0MTZlOGE0OTA5ZDM3ZWQ2ZWM2NDI3OjM=/
Code:
No comments:
Post a Comment