Isang infographic para sa mga pamilyang naka-lockdown |
Narito ang ikalawang bahagi ng interbyu kina MJ "Xi Zuq" Tumamas at China de Vera, founders ng Aklat Alamid.
3. Magsalaysay naman kayo ng 2-3 kuwento ng tagumpay ng Aklat Alamid.
Ang unang uri ng tagumpay ay ang pagkalathala ng una naming dalawang libro, ang Ti Dakkel nga Armang at Papa Teyo. Marami kaming natutuhan sa mahabang proseso ng paglikha ng mga ito. Nagbunga ang mga ito ng focus namin sa community-based na publishing, na sa madaling sabi ay umiikot ang proseso namin ng pag-develop ng libro sa pangunahing pamayanang gagamit nito. Mahalaga sa amin, kung gayon, na ang mga manlilikha ng kuwento ay mula sa mismong pamayanan, na nakikipagtulungan sa iba pang indibidwal at pangkat (tulad ng mga tagasalin, editor, guro, mananaliksik, mga opisyal ng ahensiya, at mga bata mula sa kanila). Matagal-tagal ang ganitong proseso pero nakita naming nagkakaroon ng sense of ownership nga mga libro ang mga nasabing pamayanan.
Kaugnay ng nauna, ang ikalawang uri ng tagumpay ay ang ugnayan namin sa mga scholar, manunulat, ahensiya, lider ng mga pamayanan, guro, artist, publisher, at iba pang indibidwal at grupo mula sa mga rehiyon. Sa aming palagay, ang ganitong mga ugnayan ay kontra agos sa existing o umiiral na pangkalahatang sistema sa book production dahil pinapahalagahan ng Aklat Alamid ang kolaborasyon sa stakeholders sa paglikha ng aklat, primarya ang mga nasa komunidad dahil para sa kanila ang mga binubuong aklat.
4. Saan na patutungo ang ang Aklat Alamid?
Sa totoo lang, dahil nagsisimula pa lamang kami, marami kaming natututuhan sa proseso ng paglikha at pakikisalamuha sa mga tao at pangkat sa iba’t ibang gawaing naging bahagi kami. Gagamitin namin ang mga ito upang magpatuloy sa produksiyon ng mga aklat pambata para sa mga bata sa mga rehiyon. Kaya maraming-maraming salamat sa mga tumulong at tumutulong pa sa amin sa iba’t ibang aspekto ng mga proyekto namin.
Ngayong taon, tinatrabaho namin ang mga ilalabas na libro sa susunod na taon. Ilan sa mga ito ay nakasulat sa mga wikang Binisaya, Hiligaynon, Kankanaey, at Ilokano. Magpapatuloy din kami sa pagsasagawa ng mga workshop, talakayan, training, kontes, storytelling session, at iba pang aktibidad sa pakikipagtulungan sa iba pang mga grupo.
5. Paano kami makakabili ng inyong mga aklat?
Bukod sa mga physical na bookstore, tulad ng Mt Cloud sa Baguio at Alfredo F. Tadiar Library sa San Fernando, La Union, makabibili ng mga libro namin online sa page ng Aklat Alamid at website at page ng Pumplepie Books & Happiness.
No comments:
Post a Comment