Thursday, July 29, 2021

Pagpapakilala ng mga Bagong Libro ng Aklat Alamid

Sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Aklat Pambata ngayong Hulyo, ikinagagalak ng Aklat Alamid na ipakilala ang kanilang tatlong bagong librong pambata mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas!




Mula sa Mindanao ay ang Dako nga Yahong sang Batchoy (Malaking Mangkok ng Batchoy) nina Jennie Arado at Rayah Dizon-Maniago. Nakasulat sa Hiligaynon at Filipino, tungkol ang libro kay Leon na hindi maganang kumain kaya dinala siya ng mga magulang niya sa isang batchoyan para turuan ng Batchoy Magic! Ang may-akdang si Jennie ay isang manunulat mula sa Koronadal City, South Cotabato at kasalukuyang nagtatrabaho sa Davao City, samantalang mula naman ang ilustrador na si Rayah sa General Santos City.

 

Mula naman sa Visayas ay ang Paborito nga Duag ni Denden (Paboritong Kulay ni Denden) nina Early Sol A. Gadong at Gil S. Montinola. Nakasulat sa Hiligaynon, tungkol ang libro sa pag-alam ni Denden ng kaniyang paboritong kulay at pagluluto ng isang espesyal na meryenda. Ang may-akdang si Sol ay isang guro at manunulat mula sa Iloilo City, samantalang isang ilustrador, guro, at manunulat si Gil mula sa Mina, Iloilo Province.

 

At mula sa Luzon ay ang Ditoy, Isdi, Idiay, Isna (Dito, Diyan, Diyan, Dito) nina Heather Ann F. Pulido at Renz Juno B. Abreu. Isa itong picture dictionary ng mga wikang Kankanaƫy at Ilokano at pagtatampok ng paglalaro nina Ambot at Ambit. Ang may-akdang si Heather ay isang manunulat na nakatira sa Baguio City, samantalang ang ilustrador na si Juno ay mula sa Pangasinan.

 

Ang Aklat Alamid ay isang independent publishing house ng mga librong pambata na nakasulat sa iba’t ibang wika ng ating bansa. Nakikipagtulungan ito sa mga indibidwal, organisasyon, ahensiya, at iba pang grupo sa pagsasagawa ng mga gawaing may kinalaman sa pagpapaunlad ng panitikang pambata sa mga rehiyon.


Kilalanin pa ang mga librong ito sa pamamagitan ng pagbisita sa Facebook page ng Aklat Alamid. Para naman sa mga nais umorder, pakisagutan lang ang Google form na ito. Para naman sa mga tanong at ibang alalahanin, maaaring makontak ang Aklat Alamid sa aklat.alamid@gmail.com.  


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...