Eugene Evasco shares with us his "acceptance" speech for the Salanga Prize awarded to him last 19 July 2010 at the UST Museum during the 28th National Children's Book Day. Written in Filipino, Mr. Evasco emphasizes his motives and agenda in writing for children. This is his second Salanga Prize having won in 1998 for his story, Federico, a story about a boy with Down Syndrome.
Magandang umaga at pagbati sa ating lahat—sa mga ilustrador, tagapaglimbag, kapwa manunulat, guro, tagapagsalaysay.
Lubos akong nagagalak sa pagdiriwang at sa pagkilalang ito sa larangan ng aklat pambata. Nakagagalak dahil karangalan ang makatanggap ng premyo mula sa mga tunay na tagapagtaguyod ng panitikang pambata. Pagkaraan ng 14 na taon, muli na naman akong naparangalan ng Salanga Writer's Prize. Medyo matagal-tagal na paghihintay, pero isang kaiga-igayang paghihintay.
Kung totoong tao si Federico, ang karakter na may Down’s Syndrome sa kauna-unahan kong aklat, siya'y isa nang clerk sa post office, naghahardin, nagpipinta, volunteer sa pangangalaga ng ligaw na pusa't aso, at nagagalak sa pag-aaral ng internet. Sa palagay ko, magiging kaibigan niya si Rizaldy, isang batang nais kilalanin ang katukayong bayani at ang diwa ng pagkabansa.
Ngayong umaga, nais kong pasalamatan ang PBBY, na unang kumilala sa aking panulat. Ang pagkilala na nagsimula pa noong 1996 ang nagsilbing hudyat, pahiwatig, at motibasyon sa kung ano ang aking magiging karera pagkatapos ng kolehiyo. Ngayo'y nagtuturo na ako ng pagsusulat, nakapaglathala na ng mga aklat, kolektor at mag-aaral ng mga aklat pambata sa Pilipinas at ng daigdig.
Maraming salamat sa pagtukoy ng landas na aking tatahakin.
Nais ko ring pasalamatan ang mga tagapaglathala ng mga aklat pambata na bumubuhay sa mga tekstong aagapay sa pag-unlad ng kabataan. Ang pagdami ng mga publisher at ang pagbabagong-bihis ng aklat mula pa noong 1996 ay indikasyon sa makabuluhang pamumuhunan sa kabataan at sa pagbabasa.
No comments:
Post a Comment