Norman and Angela at the book and press launch |
This week, the blog's featured Kuwentong Musmos Author from Team Lampara is Mark Norman Boquiren. Norman wrote Ang Batang Papet, a story of control and juvenile justice. Angela Taguiang.illustrated the book.
1. Bakit ka nagsusulat para sa mga bata/kabtaan?
Una sa lahat, nagsusulat ako para sa kabataang Pilipino. Para
saan pa’t binigyan ako ng kakayahang makapagsulat kung hindi ko ito iaalay sa
aking kababayan? Nais kong itampok ang mga karanasan ng mga batang Pilipino na
maaari ring maisalin at danasin ng mga bata sa ibang bayan/bansa. May
natatanging lasa ang mga kuwentong Pinoy na nararapat na maitampok sa mga
mambabasa. Nariyan siyempre ang mga kuwento tungkol sa kasaysayan, paniniwala,
kultura, politika, at maging ang mga bagong kaalaman sa nagbabagong panahon na
kailangan din nating makiakma. Magandang kasabay ng pagmumulat sa mga bata ay
ang makabasa ng mga kuwentong malapit sa kanilang karanasan. Ganoon din, maging
malay sila na may mga ganitong uri ng babasahin na isinulat para sa kanila.
Higit pa sa mailathala, nais ko kasing makapag-ambag sa
Panitikan ng Pilipinas (wow), partikular sa koleksyon ng mga akdang pambata.
Bagaman may mga nauna na sa ating mahuhusay na manunulat, itinuturing na ‘bata’
pa ang pagsusulat ng mga kuwentong pambata sa ating bansa, ayon na rin sa ibang
pag-aaral. Nakita ko ang pagkakataong ito upang makiisa sa pagpapayaman at
pagpapayabong nito.
Nais ko ring sabihing nagsusulat ako para sa mga guro, magulang,
at tagapangalaga ng mga bata . Nais ko silang bigyan ng mga alternatibong
materyal sa pagtuturo at sa mga kuwentong binabasa at ibinabahagi nila sa mga
bata.
Noong bata pa ako’y babad ako sa pagbabasa ng mga kuwentong
pambata sa teksbuk, sa mga librong banyaga, at pati na rin sa mga komiks.
Siguro’y naimbak ang karanasang ito sa aking pagkatao kaya’t isang araw sa
aking buhay ay bigla ko na lamang naramdaman na gusto ko ring magsulat ng mga
kuwentong kagaya nito. Naisip kong kung ang pagkatao ko nga ay nahubog ng mga
akdang nabasa ko noo’y paano pa kaya kung may mga batang makababasa ng mga
naisulat at maisusulat ko pa – na maaaring makadagdag din sa kanilang pag-unlad
bilang isang tao.
2. Paano ka nagsimula sa pagsusulat ng mga kuwentong pambata? Ano ang iyong origin story?
Hindi ko naman talaga inasam na maging isang manunulat ng mga
kuwentong pambata. Nagsimula siguro ang lahat sa karanasan ko bilang isang
artista-mag-aaral mula noong hayskul hanggang noong kolehiyo nang maging
miyembro ako ng University of the East Drama Company, ang opisyal na grupong
pantanghalan ng aming pamantasan. Naging babad ako sa pag-aaral ng paraan ng
pagkukuwento at pagbabahagi ng karanasan sa kapuwa.
Hindi nagtagal, naging aktibo akong volunteer storyteller para
sa Alitaptap Storytellers at sa Museo Pambata. Dito, kinailangan kong
isa-isahin ang mga librong pambatang nababagay na ikuwento nang patanghal.
Aabot sa higit sa isandaang librong pambata ang nabasa ko para lamang kilalanin
ang mga ito. Na-absorb ko ang mga paraan
ng pagkakasulat sa mga kuwentong nabasa ko. Hindi rin ako tumigil sa pagiging
storyteller, kabilang ako ngayon sa Ang Pinoy Storytellers.
Hindi nagtagal, nagkaroon ng mga panawagan para sa patimpalak sa
pagsulat ng mga kuwentong pambata. Sumubok ako. At natalo. Heartbreaking para
sa akin ang bawat pagkatalo pero naisip kong dapat ay ituloy lamang ang
pagsusulat, may patimpalak man o wala, dahil ang layunin dapat ng pagsusulat ay
mabasa ng mga batang Pilipino.
Dumaan ang mga panahon, inimbitahan akong magsulat at magpasa ng
manuskrito para sa Lampara Books. Sinubukan kong i-polish ang mga naisulat ko
na hanggang sa matanggap ito para sa publikasyon. Sunod nama’y hinikayat na
magsulat para sa Chikiting Books ng Vibal. Ganoon din, natanggap para sa
publikasyon. Pero gusto ko lamang i-highlight, bago ang magagandang balita ng
pagkatanggap para sa publikasyon, nariyan ang kabi-kabilang rejection,
revision, isa pang revision, at isa pa, at pati na rin ang paghihintay.
At the Lampara Workshop Hall last December 16, 2019, Team Lampara was happy to see sample copies of the books. |
3. Magbigay ng tatlong salita upang mailarawan ang karanasan mo bilang isang fellow ng Kuwentong Musmos Workshop?
NAKAKANERBYOS
Nakakatawa ang unang bahagi ng karanasan ko sa Kuwentong Musmos
Workshop. Nasarhan kasi ako ng gate ng airport dahil naging kampante akong
maaga akong nakapag-check-in at may oras pa para magkape. Sa madaling salita,
hindi ako nakasakay ng eroplano, pero masuwerte pa ring nakakuha ng slot sa
susunod na flight schedule. Hindi ko alam kung nakadagdag ng nerbyos ang
pagkakape pero hindi naman ‘yon ang punto ko rito.
Nakakanerbyos ang karanasan bilang isa akong baguhang manunulat
na makakasama ang mga premyado at hinahangaang manunulat. Ano na lamang ba ang
panama ko sa kanila, ang sabi ko sa sarili. Inisip kong baka malait-lait lang
ang kuwentong maisusulat ko. Baka mapag-iwanan ako? Isa ba itong
pagpapatiwakal? Ganoon pa man, kahit nininerbyos ako sa mga susunod na
magaganap, na wala akong ideya, nagpatuloy lang ako sa pagsulat at pag-inom ng
kape.
BACK-TO-ZERO
Sa Kuwentong Musmos Workshop nabura ang lahat ng nalalaman ko.
Joke. Pero parang ganoon na rin. Una kasi rito’y nasanay kasi akong magsulat ng
mahahabang akda kaya naging isang malaking pagsubok ang pagbuo ng kuwento na
may 80-120 words lamang. Ibang disiplina at pamamaraan ang kinailangan para
makabuo ng dalawang kuwentong pambata para sa palihang ito. Isa nga rito ang
kuwentong “Ang Batang Papet”.
Ang Batang Papet (Lampara Books, 2019) |
PROUD(ABLE) AND THANKFUL
Isa nga itong hindi malilimutang karanasan. Maipagmamalaki at
nagpapasalamat akong naging bahagi ako ng proyektong ito kung saan nagsama-sama
at nagsanib-puwersa ang mga manunulat, ilustrador, at ang apat na malalaking local
publisher ng mga librong pambata sa pagsasakatuparan nito sa pangunguna
siyempre ng Room-To-Read. Thankful din sa nakatrabaho kong ilustrador na si ANGELA
TAGUIANG, na nagbigay ng istilo at interpretasyong bumagay sa isinulat kong
kuwento. Masaya akong ang mga kopya ng “Ang Batang Papet” ay mailalathala
at maipamimigay sa mga batang walang
gaanong access sa mga librong pambata. Shoutout siyempre sa LAMPARA BOOKS! J #BatangMatalino #BatangMasigla #BatangLampara
4. Anong aklat ang sana ay ikaw ang nagsulat?
Mahirap itong sagutin dahil maraming libro ang naisip kong
sana’y naisulat ko. Pero magbibigay ako ng dalawa; isang lokal at isang
banyaga. Sana’y ako ang nakapagsulat ng “Bugtong ng Buwan at Iba pang Kuwento”
ni Will Ortiz na inilathala ng UP Press. Nabighani ako sa mga kuwentong narito,
naghahalo ang totoong karanasan at kuwento at misteryo. Mahilig din kasi ako sa
mga supernatural stories. Maganda rin ang pagkakagamit ditto ng wika. Sa
librong banyaga, sana’y ako ang nakapagsulat ng “Bridge to Terabithia” ni
Katherine Paterson. Gusto ko ang katahimikan at sakit na nakapaloob sa kuwento.
Nawa’y makasulat din ako ng mga librong kagaya nito sa takdang panahon.
5. Magbigay ng 5 tips o payo para sa mga gustong magsulat ng kuwentong pambata.
1. 1. Kagaya
ng nasabi ko sa simula pa lamang, MAGSULAT
PARA SA KABATAANG PILIPINO. Ilapit natin sa karanasan nila ang ating mga
isusulat na kuwento.
2. 2. MAGSULAT TAYO NG MGA
KUWENTO GAMIT ANG ATING MGA WIKANG KATUTUBO. Mahalaga ito para sa mga manunulat
sa iba’t ibang rehiyon. Walang ibang makapagkukuwento ng inyong karanasan sa
rehiyon kundi kayo.
3. 3. MATUTO MUNANG MAGBASA
NG MARAMING AKDANG PAMBATA. Magbasa ng lokal at banyagang mga aklat. Magbasa ng mga
kuwento, tula, dula, at iba pang isinulat para sa mga bata. Siyasatin kung
paano ito isinulat. Alamin kung ano pa ang dapat na isulat.
4. 4. MAGSULAT AT IPABASA
SA IBA ang
inyong mga naisulat na akda. Nakakakaba at nakasasama sa loob ang mga maaaring
matanggap na komento sa inyong naisulat pero magagamit ang mga ito upang
mapabuti pa ang inyong naisulat na kuwento. Huwag din tayong maging mayabang at
ma-pride, bilang manunulat at bilang tao.
5. 5. TUMINGIN SA PALIGID,
BUKSAN ANG KAISIPAN.
Nasaan ang mga bata? Ano ang dinaranas nila sa ngayon? Paano sila naaapektuhan
ng kabi-kabilang nangyayari sa ating lipunan? Paano ang mga bata sa panahon ng
war on drugs, ng EJK, ng militarisasyon, ng pagpapababa ng edad ng criminal
liability, ng pagbabakwit, ng pagpapalaganap ng kamangmangan, ng rebisyon sa
ating kasaysayan, at iba pa? Ihanda at gabayan natin sila sa mundong
kakaharapin nila gamit ang mga isusulat nating mga kuwento. Huwag nating
maliitin ang mga bata, makakaya rin nila itong maunawaan at pahalagahan.
Kung
nais n’yong makakuwentuhan pa si Norman ay maaari ninyo siyang padalhan ng
mensahe sa kaniyang Facebook page - @iamnormanboquiren.
No comments:
Post a Comment