Wednesday, September 26, 2018

Antolohiya ng mga Radikal na Kuwentong Pambata: Panayam Kay Eugene Evasco

Ang tampok na manunulat ng blog para sa linggong ito ay walang iba kundi si G. Eugene Evasco, propesor at premyadong manunulat. 

Sinagot ni G. Evasco ang mga tanong ukol sa bago nilang antolohiya ni G. Segundo "Jun" Matias na may pamagat na Antolohiya ng mga Radikal na Kuwentong Pambata: Baklas, Piglas at Hulagpos (Lampara Books, 2018).

1. Ano ang nagbigay ng inspirasyon o motibo para sa antolohiya?

Nais naming makapag-ambag ng bago para sa panitikang pambata ng ating lipunan. Marami na tayong nalikhang mga alamat, retelling, at mga kontemporanyong kuwento na nagpapakita ng danas at suliranin ng mga bata. Ngunit napansin namin na may kulang pa. Kailangan ng tapang at kapangahasan sa pagsulat ng kuwento na tumatalakay sa mga sensitibong usapin at inilalahok ang bata sa pakikibaka tungo sa makatarungan, ligtas, at payapang lipunan. Ang antolohiya ay simula pa lamang ng aming proyekto na makapanghikayat sa mga manunulat para sa bata na ilahok ang mga usaping panlipunan sa kanilang mga sulatin.

Nagsimula ang ideya sa klase namin ni Jun Matias sa MA Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman. Proyekto nila sa klase ang mag-edit at makalikha ng antolohiya. Sayang ang proyekto kung ito’y akademikong gawain lamang. Maraming magagandang kuwentong nailahok sa proyekto. Pinagyaman namin ito sa pamamagitan ng pambansang call for contribution. Nagulat kami sa dami ng nag-ambag ng mga maiikling katha. Kaya ang isang antolohiya ay pinagpasyahang maging tatlong bolyum. Natutuwa kami sa reception at sa tugon ng mga mambabasa sa mga aklat. Mabenta ito sa nakaraang Manila International Book Fair. Tingin namin, handa na ang lipunan sa mga pangahas at radikal na panitikang pambata.

 2. Bakit antolohiya ng maikling kuwento ang napiling anyo?

Ito ang napili namin dahil ito ang pinakaraniwang anyo ng panitikang pambata na kailangan ng push o hikayat na umunlad pa at umusbong ang potensiyal. Sa ibang anyo gaya ng tula, pinag-iisipan namin ito.

 
3. Bilang manunulat, ano-ano ang pagsubok ng kasalukuyang panahon?

Malaking pagsubok sa mga manunulat ang pagtugon sa mga pangangailangan ng panahon. Tapos na ang panahon na hindi nakikisangkot ang mga manunulat para sa bata sa mga suliranin at usaping panlipunan. Napupulaan ang panitikang pambata dahil tila ba wala itong pakialam, masyadong safe, “masyadong wholesome,” gaya ng sinasabi ng mga kritiko.

4. Mensahe para sa mga babasa at magbabasa ng Antolohiya

Ang proyektong ito ay unang hakbang pa lamang. Unang tangka ito sa makalipunang pagsulat para sa bata. Nawa’y makahanap ng inspirasyon ang maraming manunulat sa mga aklat na ito.



Mabibili ang antolohiya sa Precious Pages Bookstore na may mga sangay sa mga SM Malls sa Metro Manila at piling siyudad sa Luzon, Visayas at Mindanao.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...