Sunday, January 29, 2017

Isang Harding Papel A Martial Law Musical: Interview with Nanoy Rafael (1 of 2)

Ang Isang Harding Papel (Adarna House, 2015) ay unang nalathala bilang isang aklat pambata nina Augie Rivera, manunulat, at Rommel Joson, illustrador. Napapanahon ang paglabas ng aklat na ito. Ang mga kuwentong personal na galing sa mas malaking mapa ng kasaysayan ay hindi dapat malimutan. Maaring kathang isip ang kuwento ni Jenny at ng kanyang ina noong panahon ng Martial Law, subalit, nasasalamin sa kanilang salaysay ang kuwento ng mga ordinaryong pamilya na naging biktima ng kalupitan at abuso ng mga taong may kapangyarihan noong panahong iyon.

Ang mga pangyayari sa ating buhay at sa lipunan ay may malaking kinalaman sa paghulma ng ating pagkatao.

Ang Raya School ay magkakaroon ng isang musical base sa kuwentong pambatang ito. Ang Isang Harding Papel a Martial Law Musical ay ipapalabas sa AFP Theater sa Biernes, February 10, 2017. Narito ang isang panayam kay Nanoy Rafael na nag-adapt ng kuwento sa pormang musikal. Narito ang unag bahagi ng inerbyu kay Nanoy Rafael.

1. Bakit Isang Harding Papel?

Siguro madalas na iniiisip ng mga tao na pinili naming gawing musical ang Isang Harding Papel bilang tugon sa kasalukuyang mga nangyayari. Pero ang totoo, hindi ko inasahan na magiging napapanahon ito. Nobyembre 2015 ko sinimulang isulat ang outline at mga kanta ng musical, at noon ay malayo sa hinagap ko na may tsansa pala na maging bise presidente ang isang Marcos, o na malilibing ang dating diktador sa Libingan ng mga Bayani, o na magiging karaniwan pala ang paglabag sa mga karapatang pantao.

Noong panahon na iyon, sobrang simple lang ng dahilan kung bakit ito ang pinili namin. Kada taon ay nagsasadula kami ng panitikang pambata para sa Hinabing Haraya, ang taunang dulang pampaaralan ng Raya School. Para sa 2016, naisip naming mabuti kung isa sa EDSA books ang gamitin namin, lalo na at ika-30 taon ng EDSA People Power.

Pero siguro, may kaunting politikal na dahilan kung bakit ko rin pinili ang Isang Harding Papel. naitampok kasi ni Augie Rivera sa libro niya na ang bida sa salaysay ng Batas Militar ay ang karaniwang tao. Sila ang nagdurusa, nagpupursigi, umaasa, at nagsisikap magpatuloy sa buhay sa kabila ng ligalig. Walang malalaking personalidad bilang bayani; ang bayani ay ang nanay na nabilanggo, ang anak na naghintay, at ang lola na nag-alaga sa kaniya. 

Ipinapakita sa atin ng Isang Harding Papel ni Augie na ang EDSA People Power ay pagmamay-ari ng lahat ng taong nakiisa at nakikiisa dito, at hindi ng iilan lang. Hindi ito makatwirang gawing brand ng anumang organisasyon. Kaya kung may mas malalim na motibasyon ako noong Nobyembre 2015 sa pagsasadula ng Isang Harding Papel, marahil ito ay ang pagpapaalala sa mga tao na sa kanila ang EDSA People Power.

2. Saan nagsimula ang lahat? Bago pa man ma-stage ang Hardin, anong mga pangyayari o proseso ang pinagdaanan mo at ng iyong mga kagrupo sa paghahanda ng musical?

Isa itong dulang pampaaralan, at buong Raya School talaga ang nagsikap para buuin ito. Pinagtulungan ng mga teachers, mga estudyante, mga staff, mga magulang ang stage design, props, music, choreography, sound engineering—halos lahat ng kayang maisip na kailangan para tumakbo ang isang dula. Kahit si Direk Nor Domingo, magulang siya ng Raya.


Ngayong ikalawang run, tinutulungan na kami ni Boni Juan para sa set and stage requirements. Mayroon na rin kaming tulong mula sa mga professional choreographers and acting coaches na sina Gio Gahol at Norbs Portales. Medyo level up kompara sa una.

Abangan ang part 2 ng interbyu sa blog sa blog sa mga darating na araw.


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...