Tuesday, July 26, 2011

Author of the Month: Eugene Evasco Part 2

Bago pa humaba ang pasasalamat na ito, nais kong ibahagi ang pagkakasulat ng kuwentong "Rizaldy." Hinamon ako noon ng mga kasamang guro na sumulat ng kuwentong naiiba sa hulma ng Kanluran. Tunay, unibersal naman ang pagkabata. Lahat ng lipunan ay may kinikilalang yugto ng pagkabata, ngunit magkakaiba ang kultura't tradisyon upang kilalanin, ipagdiwang, at pausbungin ito. Ang hamon nila: Bakit hindi ako sumulat ng kuwento kaugnay sa pagmamahal sa bansa at pagpapahalaga sa pagka-Pilipino?

Produkto rin ang kuwentong Rizaldy ng halos isanlibong aklat pambata na nabasa ko noong taong 2010 upang muli’t muling makilala ang anyo ng kuwento para sa picture book. Proyekto ko ang pagbabasang ito pagkaraang mapanood ng "Julie & Julia" na may 500 recipe na kailangang matupad sa isang taon sa maliit niyang apartment. Buhat sa paglangoy sa karagatan ng mga aklat, naisip ko, paano maiiba ang isang kuwento na may tatak-Filipino?

Paano ako makatutulong upang maiipakilala ang isang bayani? Halimbawa ay ang kaso ng aking pamangkin. Sa mura niyang gulang, kaybilis niyang makilala ang mga mascot at logo ng fastfood. Mula sa malayo, alam na niyang tukuyin ang pulang higanteng bubuyog, ang tila-masayahing payasong naka-dilaw at pula, at ang batang babaeng naka-pigtail ang pulang buhok. Kung lilikha ako ng eksperimento sa mga bata, at ipapakita’t ipapakilala ang mga larawan ng mascot, bayani ng bansa, at mga popular na tauhan sa panitikan, hindi na ako magugulantang sa magiging resulta.


Ito ang agenda ko sa pagsulat noon pa man—ang ipakilala ang mga bayani ng epiko, mito, alamat, at ngayon: ang pambansang bayani ng bansa.


Likas na sa mga Pilipino ang maglaan ng tatak at kuwento sa pangalan. Tulad ko, ipinangalan sa chess grandmaster na si Eugene Torre. Ilang kakilala kong bata noon, may pangalang John Paul sa pagbisita ng Santo Papa sa bansa noong 1981. Ang mga kaibigan kong guro’t anak ng manunulat ay may malilikhaing pangalan: Haraya, Mithi, Patnubay, Tala, Alon, Laya, Tagumpay, Daniw, Daan, Sanyata, Sining. Ang mga pinsan ko'y nagkaroon ng kakaibang pangalan dahil sa pagsasama ng pangalan ng kanyang magulang.

Ngunit ang pinakainspirasyon sa kuwento ay ang aking kaklase sa kolehiyo na may pangalang Rizaldy. Kakaibang pangalan. Binusisi namin namin ang kasaysayan nito at napag-alamang ipinanganak siya sa Dec. 30, Rizal Day. Sa aking pananaliksik, nalaman kong marami pa siyang kapangala: isang artista (Jose Rizaldy Zshornack), basketball player, manunulat, guro, at ayoko sa sanang banggitin ang kontrobersiyal na gobernador sa Maguindanao. Isang search sa facebook: maraming lilitaw na Rizaldy, mga Pilipinong ikinabit ang pangalan kay Jose Rizal, ang dahilan kung bakit tayo magkakasama ngayong umaga.

Sa pagtatapos, mag-iiwan sana ng isang hamon. Tulad ni Rizaldy, nawa'y ikarangal natin hindi lamang ang pangalan na ibinigay sa atin ng ating mga magulang o ang pangalan na nais nating ipamana sa magiging anak. Higit pa rito, sana'y ikarangal natin ang pagkabayani ni Rizal, ang giting ng ating mga ninuno, ang identidad ng ating bansa, at ang ating lahi bilang Pilipino.

Maraming salamat at maligayang araw ng mga aklat pambata!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...