Sa wakas at nainterbyu ko rin so MJ "Xi Zuq" Tumamac at si China De Vera tungkol sa Aklat Alamid, isang independent publishing house ng mga librong pambata. Kilalanin at alamin ang kanilang mga ganap at kontribusyon sa panitikang pambata.
Ang Aklat Alamid ay isang independent publishing house ng mga librong pambata na nakasulat sa iba’t ibang wika ng ating bansa. Nakikipagtulungan ito sa mga indibidwal, organisasyon, ahensiya, at iba pang publisher sa pagbuo ng mga libro at pagsasagawa ng mga gawaing may kinalaman sa pagpapaunlad ng panitikang pambata sa mga rehiyon.
Tumatayong Administrative Head si M.J. Cagumbay Tumamac at Senior Editor si China Pearl Patria M. De Vera. Naging bahagi naman ngayong taon sina Ara Villena bilang Art Director at John Romeo Venturero bilang Marketing Head.
Naririto ang panayam kina MJ at China.
1. Bakit Aklat Alamid?
Nabuo na ang idea ng Aklat Alamid bago pa man kami magkita sa isang kumperensiya sa pananaliksik ng panitikang pambata sa Indonesia noong 2016, ngunit talagang kakasimula pa lamang. Malinaw lamang noon na layunin nitong mag-ambag kahit papaano sa paglalathala ng mga librong pambata mula sa mga manlilikha at para sa mga mambabasa sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Malinaw din sa amin na maging isang independent publishing house dahil mas malaya kaming makapagdesisyon sa maraming aspekto ng paglikha ayon sa sinasandalan naming layunin at mga paniniwala sa halip na sa kapital.
Meron na rin noong pangalan, na batay sa isang endemikong hayop sa atin—ang alamid—bilang simbolismo ng focus namin na mag-publish sa iba’t ibang wika ng ating bansa. Nagawa na rin noon ni Mark Lawrence Andres ang logo batay sa mga kulay ng alamid, direksiyon ng mga nilalalang bagay (tulad ng banig at sawali), at nakabuklat na libro.
Ngunit sa pagkikitang iyon namin narepaso ang iba pang plano at nalaman na ring pareho kami ng adhikain. Baon ang aming karanasan bilang mga manunulat, mananaliksik, guro, tagasalin, at editor at sa malaking tulong ng mga kakilala sa industriya ng panitikang pambata at mga nasa pamayanang aming pinupuntahan, nakapaglathala na kami mula noon ng dalawang libro—ang Ti Dakkel nga Armang mulang Luna, La Union at Papa Teyo mula Tuguegarao, Cagayan—at nakapagsagawa ng mga kontes, storytelling session, workshop, at iba pa. Sa kasalukuyan, nakarehistro ang Aklat Alamid sa General Santos City ngunit may mga proyekto sa iba pang panig ng bansa.
2. Ano-ano ang mga hamon na hinaharap ng Aklat Alamid sa panahon ng COVID-19?
Sa simula pa man, online ang maraming operations namin sa Aklat Alamid dahil na rin sa magkakaiba kami at ang mga katrabaho namin ng lugar na pinagbabasehan. May kaunting bentahe ito ngayong pandemya dahil nanatili pa ring online ang aming mga transaksiyon. Ngunit talagang mapanghamon ang panahong dumating sa atin ngayon. Isa sa glaring na hamon sa amin ay ang produksiyon ng physical books dahil sa komplikasyon sa mga imprentahan, sales, at distribusyon. Halimbawa, may ilang libro kami sa ilang apektadong bookstores (tulad ng Mt Cloud at Alfredo F. Tadiar) at mahirap ang delivery ng mga libro, lalo na noong mga unang buwan ng pandemya. Sa usapin naman ng mga proyekto na bahagi ang Aklat Alamid, marami kaming mga training at workshop sa mga iba’t ibang rehiyon ang na-cancel. Sa mga ilalathalang libro, kailangan ding ihinto nang ilang buwan at iurong ang produksiyon ng mga ito.
Sa pangkalahatan, mapanghamong panahon talaga ito at sa amin na isang independent publishing house, sinusubukan naming tumawid sa panahon na ito na hindi kinakailangang isuko ang pinanghahawakang dahilan kung bakit nandito ang Aklat Alamid. Magpapatuloy kami sa paglilimbag ng mga librong pambata para sa mga bata at para sa mga rehiyon.