SLIA Resources, Directories & Lists

Tuesday, August 25, 2020

Author Interview: Mia Baquiran (2 of 2)

Narito na ang ikalawang bahagi ng interbyu kay Mia Baquiran, journalist at manunulat. Ang Papa Teyo ay ang una niyang kuwentong pambata sa wikang Ibanag. Ito ay nilathala ng Aklat Alamid. Alamin sa interbyung ito ang proseso sa pagsasalin ng kuwento. Nagbigay din ng mga tips si Mia Baquiran ukol sa paglalahad ng kuwento sa Inang Wika o Katutubong Wika.

3. Ano ang tips o payo na maibibgay mo sa mga manunulat na nagnanais gamitin ang Inang Wika sa paglalahad ng kuwentong pambata?

Ang Papa Teyo ay isinulat ko sa English at may salin ito sa Ibanag. Hindi ako ang nagsalin nito sa Ibanag. Si Irma Maguigad ang aming tagasalin at ito naman ay inedit ni George Bacud Andal, pawang mga guro at mga fluent speakers at writers ng wikang Ibanag. Ako ay isang Ibanag, ngunit ang aking nakagisnang wika ay Ilokano sa loob ng aming bahay dahil ang nanay ko ay Ilokano. Ako man ay nakakapagsalita ng Ibanag, hindi ako marunong magsulat nito. Sa ngayon, inaaral ko ang pagsusulat ng wikang Ibanag.
Ang pagsasalin ng Papa Teyo sa wikang Ibanag ay isa sa mga naging hamon sa amin sapagkat noong ginagawa ito ay hindi pa magkasundo sa orthography. Ang pagsusulat sa wikang Ibanag ay may pagkakomplikado. Ang ilang titik o salita ay gumagamit pa din ng Colonial Ibanag na hango sa Spanish. Dito kami medyo nalito kasi kung ito ang susundin ay mahihirapan ang aming target audience na basahin ito.
Mabuti na lamang at nagbigay linaw ang ilang mga eksperto sa wika mula sa Unibersidad ng Pilipinas noong nakaraang taon na ipinagdiwang natin ang International Year of Indigenous Languages kung saan ilang mag stakeholders sa lalawigan ang nagsama-sama upang matalakay itong isyu na ito. At napagkasunduan nga na tulad ng ibang mga wika na “evolving” o nagbabago-bago, gayun din ang wikang Ibanag. Kung kaya’t naisulat namin ang Papa Teyo gamit ang ortograpiyang angkop panahon ngayon na mas naiintindihan ng mga bata na hindi nawawala ang konteksto, kaluhugan at bigkas ng mga salitang Ibanag. Timing din na last year naming nailunsad ang aklat na Papa Teyo sa International Year of Indigenous Languages.


Mga ilang payo sa mga manunulat na na nagnanais gumamit ng Inang o katutubong wika sa paglalahad ng kwento:
-       Una, aralin nang mabuti ang tamang pagsusulat sa wikang katutubo. Ang Ibanag ay wika din sa ilang parte sa lalawigan ng Isabela at kaiba ito sa Ibanag ng Cagayan. Marapat na pag-aralan ang wika, mga uri nito at ang pagbabago nito sa pagdaan ng taon upang mas lalo pang maintindihan paano ito maihahatid sa target audience, lalo kung ang kwentong isusulat ay para sa mga bata.

-       Pangalawa, humanap ng mga eksperto sa pagsasalita, pagsusulat at pagsasalin sa katutubong wika at humingi ng payo sa tamang ortograpiya at sa kung paano ito mas magandang ilahad sa target audience. Maraming scholars at mga experts na handang tumulong sa paraan na ito lalo na at ang mga ito ay mga enthusiasts sa pagpapalago ng katutubong wika.

-       Ipabasa at ipa-edit nang mabuti ang isinulat na kwento sa mga eksperto sa wika. Tumanggap ng mga kritisismo at matuto mula dito.

4. Magbigay ng 5 aklat na mairerekomenda mo sa mga nagsisimula pa lang magsulat ng kuwentong pambata.

Bata pa lamang ako ay mahilig na talaga akong magbasa. Noong bata ako, namulat na ako sa mga kwentong pambata na gawang Pinoy. Ang nanay ko ay nagtatrabaho noon sa Department of Agriculture kung saan nasa ilalim ng ahesiya pa noon ang nutrition programs ng gobyerno. Mapalad ako na nakabasa ng ilan sa mga unang aklat ng Adarna House dahil sa aking nanay na nag-uwi ng mga ito. Ilan sa aking mga paborito ay Tiktaktok at Pikpakbum ni Rene Villanueva, Digong Dilaw, May Tatlong Palaka, Rosa Albina, Ang Hukuman ni Sinukuan, si Langgam at si Tipaklong; Si Dilat, Si Kindat, Si Kurap, Si Pikit ni Virgilio S. Almario; Alamat ng Lansones ni Lamberto E. Antonio, Putot ni Mike Bigornia, at marami pang iba.
Sa mga foreign children’s books naman ang mga paborito ko ay The Giving Tree by Shel Silverstein, The Little Prince by Antoine de Saint-Exupery, Guess How Much I Love You ni Sam McBratney, Willy Wonka and the Chocolate Factory, Matilda ni Roald Dahl, Coraline ni Neil Gaiman at mga aklat ni Dr. Seuss.
Si Itchie, ang aking anak ay namulat din sa pagbabasa ng maraming kwentong pambata na gawang Pinoy noong lumalaki siya. Marami kaming naging paborito tulad ng Bakit Matagal ang Sundo Ko, Ang Munting Patak Ulan, Sandosenang Sapatos, Ang Mahiwagang Buhok ni Raquel, Ang Mahiyaing Manok, at marami pang iba. Mayroon din siyang mga foreign titles na gusto tulad ng mga gusto ko.
Lahat ng mga ito ay inirerekomenda kong basahin ng mga nagsisimula pa lamang magsulat pero ang aking top 5 ay pawang mga classics:
- Putot ni Mike Bigornia
- Ang Hukuman ni Sinukuan ni Virgilio Almario
- Tiktaktok at Pikpakbum ni Rene Villanueva
- The Giving Tree ni Shel Silverstein
- The Little Prince by Antoine de Saint-Exupery

Abangan ang interbyu kay Juno Abreyu, illustrador ng Papa Teyo.

No comments:

Post a Comment