Mars, May Zombie! ni Chuckberry J. Pascual, Anino Comics 2022
Ang saya basahin ng librong ito.
Ang tapang ni Lola, Billie, at Mars. Na-deconstruct nila ang stereotype ng elderly at mga LGBTQ+. Hindi sila side characters. Hindi sila punchline. Sila ang bida sa laban.
Habang binabasa ko ito sa waiting room ng Physical Therapy Department, hinihintay ang treatment para sa sciatica, napaisip ako: ganito rin pala ako minsan. Tumatanda na. Pilay pa. Pero, FIGHTING!
Sa pagbabasa ko, naalala ko si Nanay Leony at si Ouie. May kakanyahang tapang na harapin ang mga zombies ng buhay: sakit, takot, pangungulila at panghuhusga. Totoo, hindi mo kailangang maging superhero para maging matapang.Minsan sapat na ang pagmamahal, at ang pagtindig kahit dahan-dahan.
Ito ang aklat na nagbigay sa akin ng lakas ng loob habang nagpapagaling. Ready na sa book 2.
Ang totoo, hindi lang laban sa mga zombie ang kwento nina Mars, Billie, Lola at Mang Nacho. Ito rin ay laban para sa karapatang mabuhay nang may dignidad, para sa karapatang magmahal, para sa karapatang marinig at makilala bilang tao.
Ang presensiya ng mga zombie ay metaphor para sa mga sistemang patay pero patuloy na kumakain: ng lakas, ng pag-asa, ng pagkatao. At sa gitna nito, ang mga characters ni Chuckberry Pascual ay patunay na may tapang sa kabaklaan, may dangal sa pagtanda, at may pag-ibig sa gitna ng dilim. Sa huling pahina ng aklat, nagtapon si Mars ng napakaraming tanong sa kawalan.
Minsan, napapatanong din ako: “Kailan nga ba matatapos ang laban?” Pero naaalala ko ang sabi ng aking kaibigan na si Totet de Jesus (+): “Tuloy lang.” At iyon marahil ang tunay na diwa ng tapang. Ang magpatuloy kahit pa nakakatakot, kahit pa masakit.
Tulad ni Mars, marami akong agam-agam pero ang huli niyang tanong ay nakapagbibigay ng pag-asa.
Maraming salamat @aninocomics at Chuckberry J. Pascual!
#bookreview #bibliotherapy #marsmayzombie
No comments:
Post a Comment