SLIA Resources, Directories & Lists

Wednesday, July 22, 2020

Author Interview: Boon Lauw, Salanga Prize Winner 2020 (1 of 2)


Narito ang isang panayam kay Boon Lauw na nagwagi ng Salanga Prize 2020. Iginawad ang parangal kahapon sa virtual awarding ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY) sa Facebook. Pagdiriwang ng National Children's Book Day kahapon at mapapanood ang video ng awarding ceremonies sa FB Page ng PBBY.

Samantala, kilalanin pa natin si Boon Law sa panayam na ito.
   1)    Sino at ano ang inspirasyon mo sa pagsusulat ng kuwento ni Tala at ang tropang Abangers?
·      Nabuo ang kuwento nina Tala at ng tropang Abangers dahil sa alaala ng pagbisita ko sa isang bahay ampunan sa QC. Sinamahan ko kasi ang girlfriend ko pati na ang pamilya niya sa paghatid ng foster child na nanirahan sa kanila pansamantala papunta sa forever family niya.
·      Habang naghihintay na matapos ang sangkatutak na mga proseso at papeles, tumambay muna kaming tatlo sa loob ng compound kung saan ay mayroong malaking playground sa gitna.
·      Naglaro kami at nagpalipas ng oras. Hanggang sa ilang minuto pa, may dumating na isang batang lalaki. Nakauniporme siya at mukhang kagagaling lang sa school. Napansin kong nagmadali siyang iwan ang mga gamit niya sa parang dormitoryo nila saka lumabas ulit para pumunta sa playground.
·      Noong una, nginitian lang namin siya. Hindi naman siya nakipag-usap sa amin. Sinundan-sundan lang niya kami saka sinubukan ang lahat ng palaruan sa paligid namin. Sa tuwing matatapos kaming gamitin kunwari ang slide, siya agad ang papalit at ipapakita sa amin ang mga talento niya. Saka lang namin napagtanto na nagpapakitang-gilas pala siya.
·      Kaya kinausap siya ng girlfriend ko at tinanong-tanong. Nalaman tuloy naming Grade 6 na siya at matagal nang naninirahan sa bahay-ampunan.
·      Noong paalis na kami at nagpaalam na sa kanya, napansin ko ang bahid ng pagkadismaya sa itsura niya. Tumigil na rin siya kaagad sa paggamit ng mga laruan saka bumalik sa dorm. Hindi ko malilimutan ‘yon. Hindi ko rin malilimutan ‘yong paninikip sa dibdib ko na gusto ko sanang matulungan siya.
·      Kaya noong napagtripan kong magsulat ng middle grade na libro dahil gusto kong magpaturo sa mentor kong si Xi Zuq kung paano magsulat ng boses ng bata, ang alaala niya kaagad ang pumasok sa isip ko.
·      ‘Yong tema naman ng mga Larong Pinoy ay nagmula sa mga masasaya at di malilimutan kong alaala sa klase ni Titser Jo-ann Grecia noong college (PE2-Philippine Games). Hanep kasi ‘yong energy at enthusiasm ni Ma’am, nakaka-infect. E lumaki rin ako sa mga larong pinoy. Kaya ayon, medyo naging automatic ang pag-click ng tema sa naisip kong mga karakter.
·      Naalala ko noong gabing nagbi-brainstorm kami ni Xi Zuq, isang upuan lang naisip ang buong libro—saka naisulat ko kaagad ang unang kabanata. Mas tumagal pa ata kami sa pag-iisip ng akma na pamagat. Gano’n kabigat ang epekto ng mga alaalang pinanghugutan ko ng kuwento para sa Team Abangers at Estilong Trumpo.
 2)    Ano-anong 5 aklat pambata ang nagka-impact sa buhay mo at bakit?
·      Una, ‘yong seryeng The Hardy Boys. Maalala ko dati ang bonding namin ng nanay ko sa tuwing mapapadaan sa mall ay ang bumisita sa mga booksale. Siya, maghahanap ng pocket book. Habang ako naman, maghahalungkat para mahanap ang mga kulang kong numero sa serye na The Hardy Boys. Dahil sa seryeng ‘yon ko unang nakahiligan ang pagbabasa.
·      Pagdating ng highschool, nabinyagan naman ako sa Harry Potter series at napabilang sa mga nag-aabang taon-taon para sa updates ng libro. Nanghihiram lang ako no’n. Hindi pa kasi namin kayang bilhin ang mga libro.
·      Noong magkolehiyo naman ako saka medyo nakagaan na kami kaunti sa buhay (kaya nang bumili ng libro), kabilang sa mga humulma ng panlasa ko sa mga kuwento ang mga seryeng The Secrets of the Immortal Nicholas Flammel ni Michael Scott at Ranger’s Apprentice ni John Flanagan.
·      Noong maka-graduate naman, nakahiligan ko ang mga akda ni Brandon Sanderson—lalo na ang The Reckoners series niya at Mistborn series. Dahil sa mga libro niya, naisipan kong pangarapin ang pagiging manunulat. Para sa akin, siya at ang antas niya ang goal ko.
·      Napakalaki rin ng impact sa akin ng mga akda ng mentor kong si Xi Zuq, lalo na ang serye niyang Supremo. Dahil sa mga libro niya, napamahal ako sa wikang Filipino. Dati kasi, naiintimidate ako sa mga Filipino books dahil sa lalim ng mga salitang ginagamit (hindi ko first language ang Filipino). Pero nang sinubukan kong basahin ang libro niya, hindi ako nahirapan. May iilan pa ring malalim na mga salitang hindi ko alam, pero madali ko itong naiintindihan dahil sa konteksto. Pakiramdam ko habang nagbabasa ay approachable o welcoming ang libro. Kaya target ko namang maabot ang tatas niya sa pagsusulat sa Filipino.
·      Ayon, kung mapapansin ninyo, puro serye ang mga binabasa ko. Kaya ‘wag na kayong magtataka kung puro serye rin ang mga isinusulat kong nobela (kung sakaling mailathala). 

No comments:

Post a Comment