SLIA Resources, Directories & Lists

Friday, May 15, 2020

Kuwentong Musmos Author Interview: Dr. Luis "Tito Dok" Gatmaitan (1 of 2)

Ikinararangal kong ma-interview si Dr. Luis "Tito Dok" Gatmaitan sa unang pagkakataon sa aking blog. Si Tito Dok ay bahagi ng Team Hiyas-OMF Lit na nakasali sa Kuwentong Mumos Workshop noong Oktubre 2019. Siya ang nagsulat ng kuwentong Ang Kuya Kong Zombie na ginuhit naman ni Ivan Reverente. Narito ang interview ni Tito Dok na punong-puno ng inspirasyon.

Bakit ka nagsusulat para sa mga bata/kabataan? 

May kakaibang halina ang magsulat para sa mga bata. Ibang klaseng audience ang mga bata. Kapag nagustuhan nila ang kuwento mo, paulit-ulit nila itong babasahin. Kapag ayaw naman di mo sila mapipilit na gustuhin ang iyong kuwento. Masasabi kong ang mga bata ang pinaka discriminating na mambabasa sa lahat. Isa pa, nang bata pa ako, wala akong nabasang maraming kuwentong pambata na sinulat ng mga Pinoy authors maliban sa ‘Mga Kuwento ni Lola Basyang’ na hindi ko nabasa pero napanuod ko sa TV. 

Ang karamihan sa mga kuwentong nabasa ko ay mga kuwentong nanggaling sa ibang kultura at daigdig. Ninais kong makagawa ng mga aklat para sa batang Filipino para hindi nila ako sumbatan sa kanilang paglaki na marunong pala akong magsulat  pero bakit di ako lumikha ng mga kuwentong laan para sa kanila. Gusto kong makita ng batang Pinoy ang kanyang sarili sa mga kuwentong aking lilikhain. Di man sinasadya, kapag nagsusulat ka para sa mga bata, nakapag-aambag ka ng kuwento sa kanilang kamusmusan na maaari nilang baunin sa kanilang paglaki. Naniniwala akong karapatdapat alayan ng mahuhusay na salaysay ang mga batang Filipino.

Paano ka nagsimula sa pagsusulat ng mga kuwentong pambata? Ano ang iyong origin story?

Aksidente lamang ang aking pagiging manunulat pambata. Kagaya ng ibang nagsisimulang magsulat noon, hindi ko pa tiyak sa kung anong genre ng panitikan ako pupunta. Ang alam ko lang, gusto kong magsulat.

Taong 1993 nang nang magdesisyon ang OMF Literature na maglabas ng apat na aklat pambata bilang unang offering ng HIYAS, ang imprint para sa Panitikang Pambata ng naturang publishing house. Isa ako sa pinalad na mahilingang sumulat ng aklat-pambata. At dahil manggagamot ako, naisip nilang isang kuwentong pangkalusugan ang aking gawin. Nang panahong ‘yun, ako ay nagte-training sa larang ng Pediatrics sa isang pagamutan sa Maynila. Wala pa akong malay noon sa kung paano magsulat ng kuwentong pambata. 

Karamihan kasi sa isinusulat ko noon ay mga personal na sanaysay at mga artikulong pangkalusugan para sa aking medical column sa Liwayway Magasin at tabloid na Balita. Pero ginabayanako ng aking mga naging editor. 

Tandang-tanda ko pa ang sinabi nila sa akin, “Luis, walang batang nagsasalita nang ganito. Subukan mong mag-eavesdrop sa conversation ng mga bata nang higit mo silang
makilala.” Ganoon nga ang aking ginawa. Nang sulatin ko ang aking kauna-unahang aklat pambata – ang May Giyera sa Katawan ni Mark – sinubukan kong pasukin at pasimplihin ang konsepto ng immunization (vaccination). Ano nga ba ang bakuna? Paano ba ito nagdudulot ng proteksyon sa ating katawan gayong gawa ito mismo sa mikrobyo? Dito na nagsimula ang aking paglusong at pagbababad sa panitikang pambata.

Nang sumunod na taon, sinulat ko ang kuwentong ‘Si Duglahi, Isang Patak ng Dugo’ matapos kong samahan ang aking nanay sa isang laboratory test. Nang kuhanan ko siya ng dugo, naging malikot ang aking imahinasyon at naisip kong ‘ano kaya kung’ may isang blood cell sa katawan na inip na inip sa loob ng katawan at gustong makalabas? Isa itong ‘what if’ story. Naisip kong talakayin ang konsepto ng blood transfusion. Tapos, ginamit ko ang natutuhan ko sa ‘Blood Banking and Serology’ (isa rin kasi akong registered medical technologist; ito ang aking pre-med course) upang buuin ang kuwento nang paglipat ni Duglahi mula sa katawan ng isang tao tungo sa katawan ng ibang tao. Ito rin ang una kong akda na kinilala ng Palanca Awards noong 1994. Nang ilathala ito ng HIYAS, binigyan ito ng panibagong pamagat: ‘Si Duglit, ang Dugong Makulit.’  

Team Hiyas-OMF Lit
Magbigay ng tatlong salita upang mailarawan ang karanasan mo bilang isang fellow ng Kuwentong Musmos Workshop?

Nakakapanibago. Community. Enriching

Anong aklat ang sana ay ikaw ang nagsulat?

‘Ang Unang Baboy sa Langit’ ni Rene O. Villanueva. Napaghalo niya ang siste (humor) at husay ng gamit ng wika habang nananatiling culturally sensitive sa pagtalakay sa napiling paksa (na sa kuwentong ito ay tungkol sa ‘kalinisan’).

Magbigay ng 5 tips o payo para sa mga gustong magsulat ng kuwentong pambata.

1. Magbasa ng maraming aklat (fiction at non-fiction; informational books; how to’s). As we write more, we should read more.

2.      Maging mapagmasid sa nagaganap sa paligid. Gumamit ng analogy o paghahambing sa mga bagay-bagay sa pagtalakay sa mga kumplikadong konsepto.

3.      Mag-eavesdrop sa pag-uusap ng mga bata para higit nating makilala ang ating target audience. Paano ba sila magsalita, mag-isip, makipagkuwentuhan, o makibagay sa mga sitwasyon?

4.      Huwag maliitin ang kakayahan ng mga batang umunawa sa mga sitwayon o pangyayari sa kanilang paligid. Mayroon silang age-old wisdom.

5.      Gawing akma sa edad ang mga kuwentong lilikhain (age-appropriateness). Isaalang-alang ang kanilang kakayahan sa wika, developmental milestones, at ang kaakibat na isyu/psychology sa isang partikular na age-group.


Si Tito Dok kasama si Sir Al Santos ng Room To Read

Si Luis P. Gatmaitan ay isang manggagamot at awtor ng higit 6o aklat pambata. Nagtapos siya ng Doctor of Medicine sa Far Eastern University-Nicanor Reyes Medical Foundation (FEU-NRMF) noong 1991. Naisalin na ang kanyang mga libro sa iba’t ibang wika gaya ng Nihonggo, Thai, at Bahasa Indonesia. Ang kanyang aklat pambatang ‘Sandosenang Sapatos’ ay ginawang musical ng Tanghalang Pilipino ng Cultural Center of the Philippines. Isang Hall of Fame awardee ng Palanca Awards for Literature, siya rin ay kinilala bilang isa sa The Outstanding Young Men (TOYM) of the Philippines noong 2003, ng Gawad Dangal ng Wikang Filipino noong 2009, at ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas noong 2017. Kasalukuyan siyang Tagapangulo ng National Council for Children’s Television (NCCT).

No comments:

Post a Comment