SLIA Resources, Directories & Lists

Saturday, March 21, 2020

Kuwentong Musmos Author Interview: Reina Peralta

The blog is featuring Ms. Reina Peralta, author of Ang Nanay Kong Driver which is about gender roles and gender equality. (Lampara Books, 2019). Pepot Zamora Atienza illustrated the book.

1. Bakit ka nagsusulat para sa mga bata/kabtaan? 


Ito ang unang pagkakataon na nakapagsulat at nakapaglathala ako ng kuwentong pambata. Hindi naman talaga ako nagsusulat para sa kanila [mga bata] noon, bago ako naging empleyado ng Lampara Books. Mahihirap, indigenous people at mga kasapi ng LGBT community, silang mga hindi gaanong pinapakinggan ng lipunan ang pinag-aalayan ko ng mga akda (nobela na aking una talagang genre). Naniniwala kasi ako na responsibilidad ng mga manunulat na maging boses ng mga hindi naririnig/pinakikinggan. At nang makapagtrabaho ako sa Lampara, naisip kong may isa pang hindi gaanong napakikinggan ng lipunan--ang mga bata. Kaya naman hinangad ko na rin na sa pamamagitan ng aking panulat ay maipahayag ko ang kanilang tinig, at kasabay nito ay maimulat ko rin ang mga batang mambabasa sa kung ano ang kasalukuyang sitwasyon ng kanilang lipunang ginagalawan. 2. Paano ka nagsimula sa pagsusulat ng mga kuwentong pambata? Ano ang iyong origin story?


Ang Lampara Books ang nagbukas sa akin ng pinto para makapagsulat para sa mga bata. Labis akong nagpapasalamat para sa pagkakataong ibinigay nila sa akin. 3. Magbigay ng tatlong salita upang mailarawan ang karanasan mo bilang isang fellow ng Kuwentong Musmos Workshop?


Nakakakaba, nakakakilig, nakadaragdag ng kaalaman.
Nakakakaba dahil mga magagaling na manunulat ng kuwentong pambata ang mga nakasama ko sa workshop. Nakakatakot magkamali. Nakakatakot magsalita sa harap nila. Nakaka-pressure.
Nakakakilig dahil tinuruan at tinulungan ako ng magagaling na manunulat na ito na kinisin ang aking mga kuwento. Iyong ma-mentor ng mahuhusay na manunulat ay higit pa sa nakakatuwa. Ito ay nakakakilig.
Nakadaragdag ng kaalaman dahil hindi naging maramot ang mga nakasamang manunulat sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman. Maging ang facilitator at mga editor ay napakalaki ng naiambag sa kabuuan. 4. Anong aklat ang sana ay ikaw ang nagsulat?


Gusto ko sanang isulat ay iyong tungkol sa danas ng isang batang naninirahan sa lansangan. Iyong mga natutulog/naninirahan sa ilalim ng monumento ng bayani na pinalayas ng mga opisyal ng gobyerno. Ito sana ang gusto kong isulat dahil gaya ng nabanggit kanina, gusto kong maging boses ng mahihirap. Pero inisang-tabi ko muna ang kuwentong ito dahil hindi pa ito gaanong buo at medyo may pagkakahawig ito sa kuwentong pini-pitch ni Mr. Norman noong workshop.
5.
 Magbigay ng 5 tips o payo para sa mga gustong magsulat ng kuwentong pambat



Hindi po ito writing tips dahil parang wala pa akong napatutunayan pagdating sa pagsusulat ng akdang pambata. Pero ibabahagi ko na lang po ang mga natutunan ko na maaaring magamit ng aspiring childen's book writer.
a. Laging isipin ang target reader. Magugustuhan ba ito ng bata? Mauunawaan ba ito ng bata? Ano ang mabuting maidudulot nito sa bata?
b. Ang akdang pambata ay hindi palaging tungkol sa pagtuturo ng mabuting asal.
c. Hindi por que bata ang bida sa kuwento ay maituturing na itong kuwentong pambata. Magkaiba ang kuwentong pambata at kuwento tungkol sa bata.
d. Huwag maliitin ang kaalaman at malay ng mga bata.
e. Tayo ay mga gabay ngunit huwag nating idikta sa mga bata ang personal nating tindig tungkol sa isyung panlipunan.

No comments:

Post a Comment