SLIA Resources, Directories & Lists

Monday, March 16, 2020

Kuwentong Musmos Author Interview: Mark Norman Boquiren

Norman and Angela at the book and press launch 

This week, the blog's featured Kuwentong Musmos Author from Team Lampara is Mark Norman Boquiren. Norman wrote Ang Batang Papet, a story of control and juvenile justice. Angela Taguiang.illustrated the book.

1. Bakit ka nagsusulat para sa mga bata/kabtaan?  

Una sa lahat, nagsusulat ako para sa kabataang Pilipino. Para saan pa’t binigyan ako ng kakayahang makapagsulat kung hindi ko ito iaalay sa aking kababayan? Nais kong itampok ang mga karanasan ng mga batang Pilipino na maaari ring maisalin at danasin ng mga bata sa ibang bayan/bansa. May natatanging lasa ang mga kuwentong Pinoy na nararapat na maitampok sa mga mambabasa. Nariyan siyempre ang mga kuwento tungkol sa kasaysayan, paniniwala, kultura, politika, at maging ang mga bagong kaalaman sa nagbabagong panahon na kailangan din nating makiakma. Magandang kasabay ng pagmumulat sa mga bata ay ang makabasa ng mga kuwentong malapit sa kanilang karanasan. Ganoon din, maging malay sila na may mga ganitong uri ng babasahin na isinulat para sa kanila.

Higit pa sa mailathala, nais ko kasing makapag-ambag sa Panitikan ng Pilipinas (wow), partikular sa koleksyon ng mga akdang pambata. Bagaman may mga nauna na sa ating mahuhusay na manunulat, itinuturing na ‘bata’ pa ang pagsusulat ng mga kuwentong pambata sa ating bansa, ayon na rin sa ibang pag-aaral. Nakita ko ang pagkakataong ito upang makiisa sa pagpapayaman at pagpapayabong nito.

Nais ko ring sabihing nagsusulat ako para sa mga guro, magulang, at tagapangalaga ng mga bata . Nais ko silang bigyan ng mga alternatibong materyal sa pagtuturo at sa mga kuwentong binabasa at ibinabahagi nila sa mga bata.

Noong bata pa ako’y babad ako sa pagbabasa ng mga kuwentong pambata sa teksbuk, sa mga librong banyaga, at pati na rin sa mga komiks. Siguro’y naimbak ang karanasang ito sa aking pagkatao kaya’t isang araw sa aking buhay ay bigla ko na lamang naramdaman na gusto ko ring magsulat ng mga kuwentong kagaya nito. Naisip kong kung ang pagkatao ko nga ay nahubog ng mga akdang nabasa ko noo’y paano pa kaya kung may mga batang makababasa ng mga naisulat at maisusulat ko pa – na maaaring makadagdag din sa kanilang pag-unlad bilang isang tao.


2. Paano ka nagsimula sa pagsusulat ng mga kuwentong pambata? Ano ang iyong origin story?

Hindi ko naman talaga inasam na maging isang manunulat ng mga kuwentong pambata. Nagsimula siguro ang lahat sa karanasan ko bilang isang artista-mag-aaral mula noong hayskul hanggang noong kolehiyo nang maging miyembro ako ng University of the East Drama Company, ang opisyal na grupong pantanghalan ng aming pamantasan. Naging babad ako sa pag-aaral ng paraan ng pagkukuwento at pagbabahagi ng karanasan sa kapuwa.

Hindi nagtagal, naging aktibo akong volunteer storyteller para sa Alitaptap Storytellers at sa Museo Pambata. Dito, kinailangan kong isa-isahin ang mga librong pambatang nababagay na ikuwento nang patanghal. Aabot sa higit sa isandaang librong pambata ang nabasa ko para lamang kilalanin ang mga ito.  Na-absorb ko ang mga paraan ng pagkakasulat sa mga kuwentong nabasa ko. Hindi rin ako tumigil sa pagiging storyteller, kabilang ako ngayon sa Ang Pinoy Storytellers.

Hindi nagtagal, nagkaroon ng mga panawagan para sa patimpalak sa pagsulat ng mga kuwentong pambata. Sumubok ako. At natalo. Heartbreaking para sa akin ang bawat pagkatalo pero naisip kong dapat ay ituloy lamang ang pagsusulat, may patimpalak man o wala, dahil ang layunin dapat ng pagsusulat ay mabasa ng mga batang Pilipino.

Dumaan ang mga panahon, inimbitahan akong magsulat at magpasa ng manuskrito para sa Lampara Books. Sinubukan kong i-polish ang mga naisulat ko na hanggang sa matanggap ito para sa publikasyon. Sunod nama’y hinikayat na magsulat para sa Chikiting Books ng Vibal. Ganoon din, natanggap para sa publikasyon. Pero gusto ko lamang i-highlight, bago ang magagandang balita ng pagkatanggap para sa publikasyon, nariyan ang kabi-kabilang rejection, revision, isa pang revision, at isa pa, at pati na rin ang paghihintay.

At the Lampara Workshop Hall last December 16, 2019, Team Lampara was happy to see sample copies of the books.

3. Magbigay ng tatlong salita upang mailarawan ang karanasan mo bilang isang fellow ng Kuwentong Musmos Workshop?

NAKAKANERBYOS
Nakakatawa ang unang bahagi ng karanasan ko sa Kuwentong Musmos Workshop. Nasarhan kasi ako ng gate ng airport dahil naging kampante akong maaga akong nakapag-check-in at may oras pa para magkape. Sa madaling salita, hindi ako nakasakay ng eroplano, pero masuwerte pa ring nakakuha ng slot sa susunod na flight schedule. Hindi ko alam kung nakadagdag ng nerbyos ang pagkakape pero hindi naman ‘yon ang punto ko rito.

Nakakanerbyos ang karanasan bilang isa akong baguhang manunulat na makakasama ang mga premyado at hinahangaang manunulat. Ano na lamang ba ang panama ko sa kanila, ang sabi ko sa sarili. Inisip kong baka malait-lait lang ang kuwentong maisusulat ko. Baka mapag-iwanan ako? Isa ba itong pagpapatiwakal? Ganoon pa man, kahit nininerbyos ako sa mga susunod na magaganap, na wala akong ideya, nagpatuloy lang ako sa pagsulat at pag-inom ng kape.

BACK-TO-ZERO
Sa Kuwentong Musmos Workshop nabura ang lahat ng nalalaman ko. Joke. Pero parang ganoon na rin. Una kasi rito’y nasanay kasi akong magsulat ng mahahabang akda kaya naging isang malaking pagsubok ang pagbuo ng kuwento na may 80-120 words lamang. Ibang disiplina at pamamaraan ang kinailangan para makabuo ng dalawang kuwentong pambata para sa palihang ito. Isa nga rito ang kuwentong “Ang Batang Papet”.

Ang Batang Papet (Lampara Books, 2019)
PROUD(ABLE) AND THANKFUL
Isa nga itong hindi malilimutang karanasan. Maipagmamalaki at nagpapasalamat akong naging bahagi ako ng proyektong ito kung saan nagsama-sama at nagsanib-puwersa ang mga manunulat, ilustrador, at ang apat na malalaking local publisher ng mga librong pambata sa pagsasakatuparan nito sa pangunguna siyempre ng Room-To-Read. Thankful din sa nakatrabaho kong ilustrador na si ANGELA TAGUIANG, na nagbigay ng istilo at interpretasyong bumagay sa isinulat kong kuwento. Masaya akong ang mga kopya ng “Ang Batang Papet” ay mailalathala at  maipamimigay sa mga batang walang gaanong access sa mga librong pambata. Shoutout siyempre sa LAMPARA BOOKS! J #BatangMatalino #BatangMasigla #BatangLampara

4. Anong aklat ang sana ay ikaw ang nagsulat?

Mahirap itong sagutin dahil maraming libro ang naisip kong sana’y naisulat ko. Pero magbibigay ako ng dalawa; isang lokal at isang banyaga. Sana’y ako ang nakapagsulat ng “Bugtong ng Buwan at Iba pang Kuwento” ni Will Ortiz na inilathala ng UP Press. Nabighani ako sa mga kuwentong narito, naghahalo ang totoong karanasan at kuwento at misteryo. Mahilig din kasi ako sa mga supernatural stories. Maganda rin ang pagkakagamit ditto ng wika. Sa librong banyaga, sana’y ako ang nakapagsulat ng “Bridge to Terabithia” ni Katherine Paterson. Gusto ko ang katahimikan at sakit na nakapaloob sa kuwento. Nawa’y makasulat din ako ng mga librong kagaya nito sa takdang panahon.

5.  Magbigay ng 5 tips o payo para sa mga gustong magsulat ng kuwentong pambata.

1.  1. Kagaya ng nasabi ko sa simula pa lamang, MAGSULAT PARA SA KABATAANG PILIPINO. Ilapit natin sa karanasan nila ang ating mga isusulat na kuwento.

2.    2. MAGSULAT TAYO NG MGA KUWENTO GAMIT ANG ATING MGA WIKANG KATUTUBO. Mahalaga ito para sa mga manunulat sa iba’t ibang rehiyon. Walang ibang makapagkukuwento ng inyong karanasan sa rehiyon kundi kayo.

Angela and Norman look like they are proud parents of their baby - a book!


3.    3. MATUTO MUNANG MAGBASA NG MARAMING AKDANG PAMBATA. Magbasa ng lokal at banyagang mga aklat. Magbasa ng mga kuwento, tula, dula, at iba pang isinulat para sa mga bata. Siyasatin kung paano ito isinulat. Alamin kung ano pa ang dapat na isulat.

4.   4. MAGSULAT AT IPABASA SA IBA ang inyong mga naisulat na akda. Nakakakaba at nakasasama sa loob ang mga maaaring matanggap na komento sa inyong naisulat pero magagamit ang mga ito upang mapabuti pa ang inyong naisulat na kuwento. Huwag din tayong maging mayabang at ma-pride, bilang manunulat at bilang tao.

5.   5. TUMINGIN SA PALIGID, BUKSAN ANG KAISIPAN. Nasaan ang mga bata? Ano ang dinaranas nila sa ngayon? Paano sila naaapektuhan ng kabi-kabilang nangyayari sa ating lipunan? Paano ang mga bata sa panahon ng war on drugs, ng EJK, ng militarisasyon, ng pagpapababa ng edad ng criminal liability, ng pagbabakwit, ng pagpapalaganap ng kamangmangan, ng rebisyon sa ating kasaysayan, at iba pa? Ihanda at gabayan natin sila sa mundong kakaharapin nila gamit ang mga isusulat nating mga kuwento. Huwag nating maliitin ang mga bata, makakaya rin nila itong maunawaan at pahalagahan.


Kung nais n’yong makakuwentuhan pa si Norman ay maaari ninyo siyang padalhan ng mensahe sa kaniyang Facebook page - @iamnormanboquiren.  

No comments:

Post a Comment