SLIA Resources, Directories & Lists
▼
Day 5 of #KwentoRP612: Tay, Inom Tayo!
Tay, inom tayo!
Pagyaya ng bunso. Syempre, hindi ko siya uurungan. Kaya kahit pagod ako't gusto ko ng mahiga, sinagot ko siya.
Tag dalawang bote lang. Wala pang sweldo.
Sagot ko ang pangatlo, Tay. Rumaket ako sa club kagabi.
Kaya pala inabot ka ng madaling araw.
Ang tawa niya.
Sa katapusan, makakauwi na ako ng maaga, Tay. Pramis. May bago ng supremo.
Kinuha niya ang gitara. Tumugtog. Nagsimulang umawit.
Liparin mo sa ulap
Sisirin mo sa dagat
Hukayin mo sa lupa
Baka naroon ang kalayaan
Mas magaling ka na sa akin, sabi ko ng matapos siya.
Nagmana ako sayo.
Sabay kaming napabuntong hininga.
MagjaJapan ako, Tay. Itutuloy ko po.
Kaya ka pala nagyayang uminom. Alam na ba ng Nanay?
Umiling. Tinapos namin ang unang round.
Akin na ang gitara.
Oras na, magpasiya
Kung saan ka pupunta
Oras na, oras na
Mag-iba ka ng landas
Tayo na sa liwanag
Ang takot ay nasa isip lamang
Tama na ang pag-aalinlangan
Ang takot ay nasa isip lamang
Wala ka paring kupas, Tay. Anong kanta yan?
Hindi mo na naabutan. Hanapin mo sa Google!
Sabay kaming tumawa.
Tapusin na natin ito. Kailangan nating makausap ang nanay mo.
Mga hiram na piling titik ng mga awit:
Mula sa Oras Na ng Asin at Naroon ng Yano
No comments:
Post a Comment