SLIA Resources, Directories & Lists

Monday, September 28, 2015

Library Serye: Ang Umiibig ng Tunay ay Kayang Maghintay Ep1 Part 1

Episode 1 Part 1: Ibinaba ni Kate ang kanyang bag sa baggage counter. Dala ang kanyang lumang laptop, notebook at ballpens, pumasok siya ng aklatan. Diretso siyang pumunta sa paborito niyang sulok ng aklatan kung saan may malambot na sofa, malamig na aircon at tanawing kaayaaya. Malapit ito sa bintana, tanaw ang mga puno at ang mini-park sa loob ng kanilang kolehiyo.
Dito sa maliit na sulok ng aklatan nakakamtan ni Kate ang katahimikan at ang oras para lumikha. Binuksan niya ang kanyang laptop at hinanap niya sa folder ang bago niyang art project. Kailangan pang pakinisin. Mayamaya, mag-aaral na siya at sa natitirang oras bago siya umuwi sa dorm, hihiramin niya ang bagong aklat ni Beverly Wico Siy.

Sampung minuto bago mag alas-kwatro ng hapon, pinalamig na ni Miguel ang reading room ng aklatan kung saan siya ang naka-assign na student assistant. Sa loob ng tatlong oras, siya ang bantay ng reading room na ito ng aklatan na may apat na palapag. Inihanda na rin niya ang mga bagong aklat nina Egay Samar, Beverly Wico Siy at Bob Ong. Bilin rin ni Ms. Guzman na ihanay sa estante ang mga gawa nina Merlinda Bobis, Nick Joaquin at iba pang mga manunulat na hindi binabasa ng mga mag-aaral nila sa kolehiyo. Ano kaya kung mag suggest ako kay Ms. G ng isang open mic at literary reading isang hapon?, tanong ni Miguel sa sarili. Isang paraan upang mahikayat ang mga mag-aaral na magbasa.

Habang abala si Miguel sa paghahanda ng aklatan para sa kanyang shift, alam niyang dumating na si Kate. May halimuyak ng rosas ang hudyat ng kanyang presensya. Isang bagay na hindi maunawaan ni Miguel kung saan galing at kung ano ang pinagmulan. Pero sigurado siya na sa loob ng tatlong oras, babantayan niya ang aklatan at si Kate. Hihintayin niya itong manghiram ng aklat bago umalis. Matipid na ngiti lamang ang kaya niyang isukli sa pasasalamat nito sa kanya. Bakit hindi ko makuhang magsalita sa harap niya, isip ni Miguel. Isinilid niya ang namumuong inis sa sarili at bumalik sa mga bilin na trabaho ni Ms. G.

No comments:

Post a Comment