SLIA Resources, Directories & Lists

Tuesday, March 4, 2014

Book Spine Poetry January 2014: Judge's Review (1 of 4)

Last February, I invited Beverly "Bebang" Siy and Ronald "Poy" Verzo to judge entries in the Book Spine Poetry Contest that we're running in the library. The poems were entries for the month of January but judging transpired in February, National Arts Month. Serendipitous? Probably.
I will be posting their reviews in several parts.  Here is the first part of Bebang's review.

Ngayong National Arts Month, kakaibang patimpalak sa tula ang aking nilahukan bilang isang hurado. Pinamagatan itong Book Spine Poetry Contest na nilahukan ng mga estudyante ng Grades 9-12 ng Beacon Academy at inorganisa ng kanilang librarian na si Bb. Zarah C. Gagatiga.

Lahat ng kalahok ay kailangang makagawa ng isang tula gamit ang iba’t ibang pamagat ng aklat, na nakalimbag sa spine ng aklat. Ang isang spine ay katumbas ng isang taludtod. 
Dito ay hindi ako nagbago ng criteria sa ginawa kong paghusga sa mga kalahok. Ang ginawa ko ay katulad din ng paghusga ko sa karaniwang patimpalak sa tula. 
Bakit? 

Sapagkat ang proseso lamang ng paglikha ng tula ang naiiba rito. Ang Book Spine Poetry ay isang halimbawa ng Found Poetry. Ito ‘yong uri ng tula na binubuo ng mga salita o pariralang basta na lamang natagpuan. Malabo ba? Ganito, halimbawa ay ang tula na gawa sa ilang headline ng ilang diyaryo. O kaya ay ang  tula na gawa sa unang pariralang matatagpuan sa unang pahina ng unang sampung libro na madadampot sa isang aklatan. Ibig sabihin, pre-selected ang (mga) salita na siyang titindig bilang isang taludtod. Walang babaguhin ang sinumang nais gumawa ng tula mula sa mga natagpuan niyang salita o parirala. Ang maaari lamang baguhin (depende na sa makata) ay ang pagkakasunod-sunod ng taludtod at/o ang mga bantas na nakapaloob sa mga ito.

Kumbaga, hindi kailangang likhain mula sa bula ang isang taludtod. Sa patimpalak na ito ng Beacon Academy, nariyan ang mga spine ng aklat, nariyan ang salita o parirala sa bawat spine na siyang bubuo sa taludtod. Kailangang piliin ang mga ito at ayusin ang pagkakasunod-sunod para makalikha ng isang tula.

At dahil tula pa rin ito, inaasahang matatagpuan pa rin dito ang mga elemento ng nasabing anyong pampanitikan.

Narito ang ilan sa palagay ko na dapat taglayin ng isang tula (in no particular order po!):

1. Mapaglarong gamit ng wika
-ito ang dahilan kung bakit nagiging manunulat ang isang karaniwang tao. Nagbabago ang simpleng salita dahil sa mapaglarong gamit niya rito. Nagbabago ito ng anyo, ng kulay, ng hugis, ng amoy, ng lasa, ng tunog dahil sa masining na paggamit ng isang manunulat. 
Sa kaso ng mga spine bilang taludtod, maaaring nagbabago ang kahulugan ng orihinal na pamagat sa spine dahil sa mapaglaro at masining na pagkakasunod-sunod ng bawat spine. Nalalaro niya ang mga salita, at ang kahulugan at tunog nito batay sa pagkakasunod-sunod ng spine.

2. Talinghaga
Ito raw ay pinagsanib na dalawang salita: nakataling hiwaga. Walang eksaktong salin sa Ingles ang salitang talinghaga. Ayon sa UP Diksiyonaryong  Filipino, ito ay mapagbuong simulain ng isang akda, lalo na kaugnay ng malikhaing pangangasiwa sa tayutay at retorika. 
Ito ‘yong bagay sa loob ng tula na kapag naaninag  mo, ikaw ay mapapa-“aaa… iyon pala!” Maaaring maipahayag  ang talinghaga sa pamamagitan ng paggamit ng tayutay tulad ng simile, metaphor, irony, personification at marami pa. Maaari din namang ang talinghaga ay ang bagay na siyang hindi ipinapahayag sa isang tula. 

3. Mapaglarong gamit ng taludtod
Dahil sa patimpalak na ito, pre-selected ang (mga) salita sa isang spine o taludtod, ang kailangang bantayan ay kung paanong nagagamit ang pagkakaputol ng mga salita at diwa ng bawat spine. Nakakapagdagdag ba ito sa mensaheng nais iparating ng tula? Nakakapagdagdag ba ito para lalong maging interesting ang talinghaga sa tula? Dahil ba sa huling salita ng piniling spine ay nadagdagan ang pananabik para basahin ang susunod na spine? Ika nga ay, page turner ba ang huling salita ng bawat spine?

4. Persona
Ang persona ay ang mata na pinagmumulan ng isang tula. Kaninong mata ang nakakakita ng karanasan na nasa tula? Sa isang bata ba? Sa isang teenager o sa isang matanda? Sa isang mayaman ba, mahirap o middle class? Sa isang tao ba noong unang panahon o ngayong modernong panahon? Paalala: hindi kailangang tao ang may ari ng mga mata na ito. Maaaring maging mata ito ng isang yelo o kaya ng isang penguin.  Puwede ring mata ng isang buong bansa na naghihikahos. O kaya ng isang bansang gustong manakop ng ibang bansa. Kahit anong persona ay posible, walang hanggan ang posibilidad na mapagpipilian ng sinumang gustong tumula.

5. Mensahe at Tema
Bilang hurado, mahalaga rin sa akin ang tema o mensahe, hindi lang ang paraan kung paanong nilalaro ang mga salita o kung paanong ibinabaon sa mga salita ang isang talinghaga o kung paanong nayayari ang isang taludtod. Aanhin natin ang tulang napakahusay sa mga teknikalidad na nabanggit ngunit ampaw naman ang mensahe o di naman makabuluhan ang tema? 


Napakahirap gumawa ng tula ngunit sa kasawiang-palad, ang tula ay isa lamang messenger. Mas importante pa rin ang message na dala-dala ng messenger. Ang pogi nga ng messenger, wala namang kuwenta ang message niya, wala rin, di ba? Sayang lang ang panahon ng nakatanggap ng message. Kaya para sa akin, mahalagang nagbibigay ng angkop at makabuluhang mensahe ang isang tula o ang anumang pampanitikang akda. 

No comments:

Post a Comment