SLIA Resources, Directories & Lists

Tuesday, August 23, 2011

Mga Alaala ni A

Agosto ng pumanaw si Astrid.

Ang huli naming pagkikita ay 6 Agosto, 2009. Nasa Vibal Foundation pa ako noon bilang library consultant at siya naman ay nabigyan ng isang proyekto na makapagsulat ng isang aklat pambata. Nagkasalo pa kami ng tanghalian kasama si Dr. Luis Gatmaitan, Rhandee Garlitos at mga taga Vibal Foundation nung araw na iyun. Natatandaan ko na kaunti lang ang kinain ni Astrid. Napansin ko rin ang pamamaga ng mga pisngi ni Astrid pero hindi ko inisip na malubha na siyang may sakit. Hindi kase siya madaingin. Hindi siya maarte. Hindi siya emo. Hindi siya madaling sumuko sa mga pagsubok.


Nung tumawag sa akin si Mona Dy, kaibigan kong matalik at bagong kaibigan pa lang ni Astrid noon, sinabihan niya akong dalawin sa ospital si Astrid. Sabi ko, "Nasa Samar ako at may teacher training, Mona. Pagdating na pagdating ko sa Manila, dadalawin ko si Astrid." Biernes yun. Sabado ng umaga, 23 ng Agosto, nakuha ko na lang ang text ni Mike at Augie Rivera na pumanaw na si Astrid. Nagpa-excuse muna ako sa training ng ilang saglit sapagkat hindi ko mapigilang lumuha. Ang dami kong mga pinalagpas na imbitasyon ni Astrid. Ang dami naming projects na pinag-usapan subalit hindi nasimulan. Ang daming pagkakataon na nakita ako ni Astrid na mahina, subalit naroon siya upang magbigay ng tulong at payo sa akin.



Tatlong taon na siyang lumisan sa mundong ito at palagi ko pa rin siyang iniisip. Pinayuhan ako ng aking mister na ipagdasal at ipaubaya na sa Dios si Astrid. Kung tutuusin nga naman, namamahinga na si Astrid. Hangang sa huling sandali, tinuruan ako ni Astrid. Seize the day! Go! Go! Go!


Astrid, sa mga susunod na araw, kaming mga kaibigan mo sa KUTING ay magbibigay pugay sa iyong naging kontribusyon sa panitikang pambata. Sa aking blog, iisa-isahin namin ang mga masasayang alaalang ibinigay at ibinahagi mo sa amin. May mga piling taga Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) ang nagbigay ng kanilang maikli, subalit matamis na tribute para sa iyo.

Sana mag-enjoy ka!

No comments:

Post a Comment